Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa Dear Seksiyong Filipino 2007.
Bago ang pagsisimula ng 13th Asean Summit sa Singapore nitong nakaraang Linggo, idinaos sa bansa ring ito ang 3rd ASEAN Civil Society Conference o ACSC3 na dinaluhan ng iba't ibang civil society organizations mula sa Asya at iba pang panig ng mundo at nasa pagtataguyod ng ASEAN Socio-Cultural Community ng ASEAN Secretariat. Ang civil society ay tumutukoy sa mga mamamayan na magkakabuklod na namumuhay sa isang komunidad at ang nabanggit na komperensiya ay may kinalaman sa papel ng civil society sa pagtatatag ng ASEAN Community. Si Dr. George Medina ay isa sa mga kinatawan ng civil society groups na dumalo sa komperensiya. Sinabi niya:
Ayon sa butihing clinical psychiatrist, target ng ASEAN na gawing ASEAN community ang regional institution na ito sa 2020 at sa ginanap na ACSC3, tinalakay ang nasabing ASEAN vision at ang mga hakbanging isasagawa ng civil society sa pamamagitan ng mga kinatawan nito sa transpormasyon ng ASEAN tungo sa pagiging "social ASEAN" na naglalangkap sa mga proseso ng gawaing panlipunan o social work at pagtatatag ng komunidad o community building. Nananawagan din aniya ang komperensiya sa lahat ng civil society organizations na mag-"invest" sa proseso ng pagtatatag ng institusyon ng pamamahala na inklusibo, resilyente at may liwanag
Sa pagkakapatibay ng ASEAN constitution sa 13th Summit ng ASEAN, lalong luminaw ang pagkakaroon ng katotohanan ng ASEAN community at ito ay isang bagong panahon sa 40 taong pananatili ng ASEAN.
Sabi ni Dr. Medina, sa pagkakaroon ng ASEAN ng saligang batas, mas lalong bibilis ang proseso ng pagtatatag nito ng komunidad at mas malamang na mapaaga pa ito. Ang bagay na ito ay magreresulta naman aniya sa mabilis na pagsulong ng kabuhayang panrehiyon dahil, bilang isang solidong malaking pamilya, mapapabuti ng ASEAN ang relasyon nito sa mga dialogue partners nito na tulad ng Tsina.
Sabi ni Dr. Medina, mahigit 120 kinatawan ng civil society groups ang dumalo sa ACSC3 at ito ay ginanap mahigit isang linggo bago ang Ika-13 Summit ng ASEAN.
Sa summit meeting na ito aniya na kung saan ginanap din ang komperensiya ng mga Ministrong Panlabas ng ASEAN at dialogue partners nito na kinabibilangan ng Tsina at ASEAN + 3 Meeting o Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng ASEAN at Tsina, Hapon at Timog Korea, pinagtibay ng mga Puno ng Estado ang ASEAN constitution.
Si Dr. George Medina ay isang clinical psychiatrist at kasalukuyang nagtuturo ng psychology sa Far Eastern University.
Ngayon, tingnan naman natin ang mga mensahe ng ating textmates.
Mula sa 917 401 3194: "Good luck kay PGMA sa kanyang pagdalo sa 13th ASEAN Summit"
Mula sa 917 351 9951: "Greetings sa himpilang palakas nang palakas ang dating sa mga Pinoy sa lahat ng dako ng mundo. Matagumpay kayo dahil sa inyong mabuting pakikisama."
At mula naman sa 919 648 1939: "Kahit hindi Pasko dapat lagi tayong magmahalan. Iwasan natin ang labis na pagsususpetsa sa kapuwa."
Ngayon tunghayan naman natin ang liham ni Sarah Samudio ng AMA Computer College. Sabi ng kanyang snail mail:
Dear Kuya Ramon,
Kumusta sa lahat!
Pinakikinggan ko ang feedbacks ng iyong listeners na binabasa mo sa program mong Gabi ng Musika at Dear Seksiyong Filipino. Halos ganun na ganun din ang gusto kong sabihin.
Tulad din ng ibang tagapakinig, meron din akong itinatagong paghanga sa mga hakbangin, patakaran, at programang pinaiiral ng Tsina. Ang pinaka-hinahangaan ko sa lahat ay iyong sustainable development through education. Hinahangaan ko rin ang patakaran ng pagpapataas sa kita ng mga magsasaka. Kapag ganiyan siyempre sisipag ang mga magsasaka at magpoprodyus sila ng maraming pagkain.
Nakita ko rin pala ang picture ni Premier Wen Jiabao kasama si Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore noong dumating ang Chinese Premier sa Changi Airport ng Singapore. A-attend daw ang Chinese Premier sa 13th ASEAN Summit.
Mag-reply ka, kuya, at sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mong ibalita ko sa iyo.
Sarah Samudio AMA Computer College Guadalupe, Makati City Philippines
Maraming salamat sa iyong liham, Sarah. Wala na tayong oras, ha? At maraming salamat din sa inyong lahat sa inyong walang-sawang pakikinig.
Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|