Kinatagpo noong Lunes sa Bangkok si Cao Gangchuan, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, ni Surayud Chulanont, Punong Ministro ng Thailand. Sinabi ni Surayud na ang pagpapaunlad ng estratehikong relasyong pangkooperasyon ng Thailand at Tsina ay matatag at di-magbabagong patakaran ng pamahalaan ng Thailand at lubos na pinahahalagahan ng pamahalaan at mga mamamayan ng Thailand ang pagkatig ng Tsina. Umaasa anya siyang pasusulungin ng dalawang panig ang pagpapalagayan sa iba't ibang antas at palalalimin ang kooperasyon sa iba't ibang larangan. Sinabi naman ni Cao na lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pagpapaunlad ng kooperasyong pangkaibigan nila ng Thailand at ikinasisiya ang pagpapanatili ng relasyon ng dalawang bansa ng mainam na pag-unlad. Nakahanda anya ang panig Tsino na lalo pang palakasin ang pagtutulungan nila ng Thailand para magkasamang mapasulong ang relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Kinatagpo noong Sabado sa Kuala Lumpur, kabisera ng Malaysia si dumadalaw na ministrong panlabas Yang Jiechi ng Tsina ni punong ministro Abdullah Ahmad Badawi ng Malaysia. Ipinahayag ni Badawi na kapansin-pansin ang bunga ng kooperasyon ng 2 bansa sa iba't ibang larangan. Pinahahalagahan anya ng Malaysia ang estratehikong relasyon nila ng Tsina, buong tatag na iginigiit ang patakarang isang Tsina at kinakatigan ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng Taiwan. Ipinahayag pa niyang ang Tsina ay kaibiga't partner ng Asean at tinatanggap ng Malaysia ang paglahok ng Tsina sa proseso ng integrasyon ng Asean at pagpapalakas ng kooperasyon ng dalawang panig sa iba't ibang larangan. Ipinahayag naman ni Yang na nitong nakalipas na ilang taon, natamo ng Tsina't Malaysia ang mahalagang progreso sa kanilang komprehensibong estratehikong relasyon. Madalas ang pagpapalagayan ng 2 bansa sa iba't ibang antas at kapansin-pansin ang bunga ng kanilang kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan. Nakahanda anya ang panig Tsino, kasama ng panig Malaysian, na panatilihin ang pagpapalagayan sa mataas na antas ng 2 bansa, pabilisin ang pagtatakda ng plano sa aksyon sa estratehikong kooperasyon, panatilihin ang mainam na pagkokoordina sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig at walang humpay na pasulungin at palalimin ang relasyon ng 2 bansa. Pagkatapos nito, kinausap din si Yang ng kanyang couterpart na Malaysian na si Syed Hamid Albar. Tinalakay ng kapuwa panig ang hinggil sa bilateral na relasyon at isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan.
Magkahiwalay na kinatagpo noong Araw ng Linggo sa Vientiane nina Pangulong Choummaly Sayasone at P.M. Bouasone Bouphavanh ng Laos si Yang Jiechi, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Tsina. Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Yang na nag-aadhere ang Tsina at Laos ng sosyalismo at reporma at pagbubukas sa labas, kinakaharap nila ang tungkulin ng pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, kaya, malaki ang katuturan ng pagpapaunlad ng relasyon ng Tsina at Laos. Ipinahayag naman ng panig ng Laos ang kahandaang pahigpitin ang kooperasyon nila ng Tsina sa framework ng Greater Mekong Sub-Region Economic Cooperation at mekanismong pangkooperasyon ng ASEAN at Tsina, Hapon at Timog Korea o 10+3.
|