Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa Dear Seksiyong Filipino 2007.
Haaay, naku, ang bilis ng araw. Nasa ikatlong linggo na tayo ng Advent. Magpa-Pasko na naman. Abala na naman ang Christmas shoppers. Abala sila sa pamimili ng ihahanda sa Notsebuwena at Pasko at ng ireregalo sa pamilya, kaibigan at inaanak. Abala rin sila sa pagbili ng mga gadget na matagal na nilang inaasam-asam.
Sabi ng ilang shoppers na nakausap ko, bukod sa Divisoria, ang puntahan daw ngayon ng mga namimili ng pamasko ay iyong mga lugar na tulad ng Carriedo, Abenida, Ongpin, C. M. Recto, at Quezon Boulevard. Ang habol daw ng mga tao ngayon ay Chinese products at dito sa mga lugar na ito mo raw mabibili ang mga produktong ito.
Pero bakit Chinese products? Anong meron ang Chinese products na wala ang iba?
Sabi ng isang textmate: "Kuya, very competitive ang Chinese products dahil, in the first place, mura."
Sapat na bang dahilan ang pagiging mura ng isang produkto para tangkilikin ito ng mga mamimili?
"Hindi," sabi ni Carmelita Obaz ng Arellano, San Andres, Manila. Siya mismo, aniya, ay hindi bumibili ng alinmang produkto dahil lang sa ito ay mura. Isinasaalang-alang din niya ang quality. Kaya nga, sabi niya, Chinese products ang binibili niya kasi mura na, export quality pa.
Si Carmelita ay nasa catering service at matagal na rin niyang tinatangkilik ang mga produktong Tsino sa panahon man ng Kapaskuhan o hindi.
Para naman kay Susan Flores na isang self-employed mula sa A. Francisco, Sta. Ana, Manila, hindi sapat na dahilan ang pagiging mura para bilhin ang isang produkto. Kaya aniya kung gusto mong makabili ng produktong mababa ang halaga pero presentable naman at maraming modelong mapagpipilian, Chinese products ang bilhin mo. Taun-taon, bumibili siya aniya ng bagong gadget na made in China at, so far, wala pa naman siyang reklamo.
Sabi naman ni super DJ Happy, hindi naman daw siguro logical na basta ka na lang bumili ng produkto dahil ito ay mura para lang mapagkasya ang budget mo, o kung sobra-sobra man ang budget mo, bumili ng isang uri ng produkto dahil lamang sa matunog ang pangalan nito. Ang pinaka-logical aniya ay bumili ng produktong mababa ang halaga pero mapapakinabangan nang matagal at hindi pagsisisihang bilhin. Sabi niya, para makasiguro, produktong made in China ang bilhin.
May payo si super DJ Happy doon sa mga may maraming inaanak. Sabi niya, kung gusto raw ninyong magregalo ng mobile phones sa inyong mga inaanak, marami raw mobile phones na made in China sa Carriedo. Doon daw makakabili kayo ng maraming mobile phones na panregalo.
Maraming salamat, Carmelite, Susan at Happy. Merry Christmas sa inyo.
Ngayon, tingnan naman natin ang mga mensahe ng ating textmates.
Mula sa 928 601 3479: "Chinese products, magandang panregalo sa Pasko!"
Mula naman sa 917 351 9951: "Congrats! Ang made in China ay competitive sa Philippine market ngayong Kapaskuhan!"
At mula naman sa 0086 1352 023 4755: "Maligayang Pasko! Okay mga produktong Tsino!"
Ngayon, tingnan naman natin ang mga laman ng ating inbox.
Sabi ni Stephanie Lim ng C. M. Recto, Sta. Cruz, Manila: "Kuya Ramon, Maligayang Pasko in advance. Mabibili na ngayon sa Carriedo ang mga hinahanap kong Chinese products na tulad ng 999 ointment na mahusay sa mga sakit sa balat, Dabao skin lotion na pampakinis ng balat, Jazmine soap na pampabango ng katawan at Placenta anti-aging soap. Maaga itong pamasko sa akin ng China. Binabati ko ang inyong radio station sa pagpo-promote ng trade sa pagitan ng Philippines at China."
Sabi naman ni Lilibeth ng Polytechnic University of the Philippines: "Pasko man o hindi, lagi kong pini-patronize ang Chinese products dahil sa kamurahan at kapakinabangan. Ang made in China ang pinaka-attractive ngayong Kapaskuhan kasi ang presyo ayabot-kaya ng medium-income earners. Hindi ko masisisi ang mga tao kung dumagsa sa mga bilihan ng made-in-China products."
Salamat at Merry Christmas sa inyo, Stephanie at Lilibeth.
At diyan nagtatapos ang ating pagtatanghal ngayong gabi. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at bumabati ng Maligayang Pasko!
|