Magandang-magandang gabi at Maligayang Pasko sa inyong lahat. Ito si Ramon Jr. para sa Espesyal na Pamaskong Handog ng Serbisyo Filipino ng China Radio International.
Ang Pasko ay walang dudang napakahalaga hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong Kakristiyanuhan dahil ito ay araw ng pagsilang ng Mesias na siyang tanging pag-asa at siyang tanging daan tungo sa kaluwalhatian ng sanlibutan.
Datapuwat ang mga Pilipino ay may komong paraan ng pagdiriwang ng Pasko, magkakaiba naman ang kanilang pakahulugan sa araw na ito.
Kayo, ano ang Pasko para sa inyo?
Para kay Esther Nicolas, isang maybahay na tubong Bukidnon, ang Pasko ay panahon ng pagmumuni-muni sa tagpo ng pagsilang ng sanggol na si Hesus sa sabsaban. Ito aniya ay magandang halimbawa ng pagpapakumbaba. Kung gugustuhin daw ng Panginoon, puwede namang isilang ang kaniyang bugtong na anak sa isang mamahaling lugar, pero pinili niya ang sabsaban at ito aniya ay puwede nating tularan.
Sa sariling palagay naman ni Sienna Gomez, isang guro na mula sa Pasig City, ang Pasko ay panahon ng pagsisimbang-gabi.
Ang simbang-gabi na isang matagal nang tradisyon ng mga Pilipino at nagsisimula sa ika-16 ng Disyembre at nagtatapos sa ika-24 ay pinaniniwalaang isang epektibong paraan ng pagnonobena at kung gagawin mo aniya ito nang buong taimtim, ang iyong dalangin ay tiyak na diringgin. Sabi ni Sienna marami na siyang natamong grasya sa pagsisimbang-gabi.
Kung si April Moran naman ang tatanungin, ang Pasko para sa kaniya ay panahon ng pag-alaala sa mga inaanak. Sabi ng flight attendant mula sa San Andres, ang mga ninong at ninang ay tumatayong pangalawang magulang ng kanilang mga inaanak kaya tungkulin nilang pag-ukulan ng panahon ang mga batang ito kahit man lang sa Araw ng Pasko.
Magkakaiba ng pakahulugan sa Araw ng Pasko sina Esther, Sienna, at April pero pare-pareho silang naniniwalang ang pagdiriwang ng Pasko ay dapat nakatuon kay Christ dahil siya ang may kaarawan--at hindi tayo.
Alam niyo, unang linggo pa lamang ng Advent ay marami na kaming natanggap na bating pamasko sa pamamagitan ng SMS. Narito ang ilan.
Mula sa Germany, sabi ng 0049 242 188 210: "Lahat ng maganda at mabuti wish ko sa China at Chinese friends sa Araw ng Pasko. Ipagpasalamat ninyo ang tagumpay ng bansa sa maraming areas lalo na sa area ng kabuhayan!"
Mula naman sa Switzerland, sabi ng 0041 787 882 084: "Sana lahat ng inyong araw ay maging Paskong lagi. Huwag susuko sa hamon at problema. Kayang kaya ninyo iyan!"
At mula naman sa Beijing, sabi ng 0086 1352 023 4755: "Merry Christmas sa Filipino Service at sa lahat ng mga tagapakinig sa Pilipinas, Hong Kong, Saudi Arabia, Singapore at Europe. Sumainyo ang kapayapaan ni Christ!"
Ngayon, tunghayan naman natin ang mga laman ng ating inbox.
Sabi ni Roxanne Rombawa ng San Juan, Metro Manila: "Kuya Ramon, sana makapag-celebrate din kayo diyan ng mga kababayan natin ng Christmas kahit malayo kayo sa inyong mahal sa buhay. Maraming kababayan ang hindi nakakauwi sa panahon ng Kapaskuhan at alam ko na mahirap ito para sa kanila. Kaya, pagkatapos na makapag-long-distance call sa Pinas, magsama-sama na lang kayo at magdiwang para sa birthday ng Messiah."
At sabi naman ni Lilibeth ng Polytechnic University of the Philippines: "Kuya Mon, Merry Christmas, Happy New Year at Best Wishes sa lahat ng bumubuo ng Serbisyo Filipino. Binabati ko in particular ang inyong mga announcers sa Balita, Usap-usapan, Paglalakbay, Kultura at iba pang programa. Siyempre, espesyal ang bati ko sa iyo. Salamat sa accommodation mo sa amin."
Maraming salamat sa inyo, Roxanne at Lilibeth.
At diyan nagtatapos ang ating Espesyal na Pamaskong Handog. Itong muli si Ramon Jr. Maraming salamat sa inyong pakikinig at muli, Maligayang Pasko sa inyong lahat.
|