Nakipagtagpo noong ika-2 ng Enero sa Beijing si Li Changchun, pirmihang kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, sa mga namamahalang tauhan ng mga pambansang TV station ng Kambodya, Laos, Myanmar, Thailand at Biyetnam na nandito para lumahok sa debut ng isang TV documentary na may pamagat na "Sa Kababaan ng Ilog Mekong". Sinabi ni Li na ang naturang TV documentary na magkakasamang ginawa ng mga TV station ng Tsina at naturang limang bansa ay lubos na nagpapakita ng pag-unlad ng kabuhayan, lipunan at kultura ng mga bansa sa subrehiyon ng Ilog Mekong at ito rin ay isang matagumpay na praktika ng naturang 6 na bansa sa pagpapalitang pangkultura. Umaasa anya siyang patuloy na magtutulungan ang mga mass media ng anim na bansang para ibayo pang mapasulong ang pagkakaunawaan, pagkakaibigan at pagtutulungan ng kanilang mga mamamayan.
Nagpadala noong ika-29 ng Disyembre ng mensahe si ministrong panlabas Yang Jiechi ng Tsina sa kanyang counterpart na Indones bilang pakikiramay sa malaking kasuwalti at kapinsalaan ng ari-arian ng bansang ito na dulot ng baha at landslides.
Nitong dalawang linggong nakalipas, sa magkakahiwalay na okasyon, kinatagpo si Song Tao, embahador ng Tsina sa Pilipinas, nina kalihim ng edukasyon Jesli Lapus, kalihim ng kalusugan Francisco Duque at kalihim ng turismo Joseph Durano ng Pilipinas at nagpalitan sila ng palagay hinggil sa pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa mga may kinalamang larangan.
Sa pakikipagtagpo kay Lapus, iniharap ni Song ang mga mungkahing kinabibilangan ng pagtatatag ng isang paaralan ng pagkakaibigang Sino-Pilipino at pagkakaloob ng panig Tsino ng kagamitan sa paaralang ito, pagpapadala ng dalawang panig ng mga guro sa isa't isa at pagsasagawa ng mga aktibidad ng pagpapalitan ng mga elementary at middle schools ng dalawang bansa. Sinang-ayunan ni Lapus ang mga mungkahing ito at ipinahayag niyang may plano ang kanyang departmento na magsagawa ng kurso ng wikang Tsino sa mga elementary at middle schools ng Pilipinas.
Sa pakikipagtagpo kay Duque, ipinahayag ni Song ang kanyang pag-asang ibayo pang mapapalakas ng Tsina at Pilipinas ang kooperasyon sa kalusugang pampubliko at traditional Chinese medicine. Sinabi ni Duque na nakahanda ang panig Pilipino na hiramin ang matagumpay na karanasan ng Tsina sa panggagamot at pahigpitin ang pagkakaunawa sa TCM.
Sa pakikipagtagpo naman kay Durano, ipinahayag ni Song ang kasiyahan sa natamong malaking pag-unlad ng Tsina at Pilipinas sa turismo nitong ilang taong nakalipas. Sinabi ni Durano na ang Tsina ay naging ikaapat na pinakamalaking pinagmumulan ng dayuhang turista ng Pilipinas at wini-welcome ng Pilipinas ang mas maraming turistang Tsino.
Sa kanyang pakikipagtagpo noong ika-24 ng Disyembre sa Kuala Lumpur kay Wang Guoping, party secretary ng Lunsod ng Hangzhou sa silangang Tsina, ipinatalastas ni Donald Lim, pangalawang ministro ng turismo ng Malaysia na isasaoperasyon sa buwang ito ang flight sa pagitan ng Kuala Lumpur at Hangzhou.
|