Ang Yunnan, isang lalawigan sa dakong timog-kanluran ng Tsina, ay kahangga ng 3 bansang Asean na kinabibilangan ng Biyetnam, Laos at Myanmar. Mayaman ito sa mga yaman na tulad ng tubig, karbon, yaman ng araw at yamang-hangin. Kasabay naman ng mabilis na pag-unlad ng kabuhayan, kinakapos ang Biyetman sa koryente, kaya nagsimula itong makipagtulungan sa Yunnan Power Grid Corporation o YNPG noong taong 2004. Kaugnay nito, ganito ang salaysay ni Cheng Jun, Direktor sa Pagtutulungang Pandaigdig ng YNPG.
"Sa kasalukuyan, may limang grid ang Tsina na naghahatid ng koryente patungo sa Biyetnam at apat sa mga ito ay matatagpuan sa Yunnan. Mula Enero hanggang Oktubre ng nagdaang taon, lampas sa 2 bilyong kilowatt-hour ang naihatid na koryente sa Biyetnam ng Yunnan Power Grid Corporation na bumubuo ng 4% ng power supply ng Biyetnam."
Kaugnay ng pagtutulungan ng dalawang panig, sinabi naman ni Nguyen Van Dong, dating Konsul-Heneral ng Biyenam sa Yunnan, na:
"Salamat sa koryenteng isinusuplay ng Yunnan, bumubuti ang pamumuhay ng mga mamamayang lokal ng Biyetnam. Ang mga residenteng Biyetnames sa mga liblib na lugar ay maari na ring gumamit ng koryente sa panonood ng TV. Nagiging makulay ang kanilang pamumuhay sa mga malayang oras. Kaya, gusto kong ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa Yunnan Power Grid Corporation."
Sa kasalukuyan, may dalawang paraan ng pagtutulungang Sino-Biyetnames sa larangan ng koryente. Bukod sa nabanggit na paraan, nagsadya rin sa Biyetnam ang mga bahay-kalakal na Tsino para matulungan ang lokalidad sa paggagalugad ng kanilang yaman. Nitong nagdaang Oktubre, sa pagtutulungan ng YNPG at Vietnam National Power Corporation, nabuksan ang isang joint venture na nagtatampok sa pagtatayo ng maliliit na hydropower station sa dakong hilaga ng Biyetnam.
|