Nagpadala noong Huwebes ng mensahe si Premyer Wen Jiabao ng Tsina kay Samak Sundaravej bilang pagbati sa kanyang paghalal bilang Punong Ministro ng Thailand. Ipinahayag sa mensahe ni Wen na ang komprehensibong pag-unlad ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng Tsina at Thailand sa iba't ibang larangan ay nagdudulot ng totohanang kapakanan sa dalawang bansa at kanilang mga mamamayan at nagbibigay din ng positibong ambag sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon. Umaasa anya siyang pahihigpitin ang pagtutulungan nila ni Sundaravej para mapanatili at maipagpatuloy ang tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at Thailand at mapasulong ang kanilang estratehikong kooperasyon sa mas mataas na lebel.
Mula noong Huwebes hanggang Sabado, nagsagawa si ministrong panlabas Yang Jiechi ng Tsina ng 3 araw na pagdalaw sa Kambodya. Kinatagpo siya noong Biyernes ni punong ministro Hun Sen ng Kambodya. Umaasa ang dalawang panig na sasamantalahin ang pagkakataon ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Kambodya para mapasulong ang relasyon ng dalawang bansa sa mas mataas na antas. Sinabi ni Hun na ang mabilis na pag-unlad ng Tsina ay nagkaloob ng mainam na pagkakataon sa rehiyong ito at pinasalamatan niya ang pagkatig at pagtulong ng Tsina sa kanyang bansa. Binigyan naman ni Yang ng mataas na pagtasa ang relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng dalawang bansa at bunga ng kanilang kooperasyon sa iba't ibang larangan. Umaasa anya siyang patuloy na mapapanatili ng dalawang bansa ang mahigpit na pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa mga isyung panrehiyon na gaya ng relasyong Sino-ASEAN, kooperasyon ng Silangang Asya at paggagalugad sa Greater Mekong River Subregion.
Pagkaraan ng pagdalaw sa Kambodya, dumalaw rin si Yang sa Brunei. Kinatagpo siya noong Sabado sa Bandar Seri Begawan ni Hassanal Bolkiah, Sultan ng Brunei. Ipinahayag ni Bolkiah na nitong ilang taong nakalipas, dumadalas ang pagdadalawan ng dalawang bansa sa mataas na antas at lumalawak ang kanilang kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, kultura at iba pang larangan. Nakahanda anya ang Brunei na ibayo pang palakasin ang pagpapalitan at pagtutulungan nila ng Tsina sa mga larangan ng enerhiya, agrikultura, imprastruktura, turismo at iba pa. Ipinahayag naman ni Yang na pumasok na ang relasyon ng dalawang bansa sa yugto ng komprehensibong pag-unlad at malawak ang prospek ng kanilang kooperasyon. Sinabi rin niyang nakahanda ang Tsina na komprehensibong pasulungin ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa at ang kanilang relasyon sa bagong antas.
Sa ngalan nina pangulong Hu Jintao at premyer Wen Jiabao ng Tsina, kinumusta ni Tang Jiaxuan, kasangguni ng estado ng Tsina si Norodom Sihanouk, ama ng hari ng Kambodya at ang kanyang may-bahay.
|