Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa Dear Seksiyong Filipino 2008.
Ang mga liham na bibigyang-daan natin ngayong gabi ay padala nina Roxanne Rombawa at Naila Feria na kapuwa mula sa San Juan, Metro Manila.
Sabi ni Roxanne sa kaniyang liham:
Dear Kuya Ramon,
Malapit na ang Year of the Rat. Ano ba ang binabalak mong gawin? Alam ko na super holiday ang Chinese New Year sa buong China at sa lahat ng Chinese communities sa buong mundo.
Gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito para pasalamatan ka, ang iyong mga programa at inyong istasyon sa mga natanggap kong alaala nitong nakaraang taon at sa pagbibigay ninyo ng chance na maisa-air ang mga SMS at sulat ko.
Madalas ang pakikinig ko sa inyo, mga apat na beses sa isang linggo, kasi gabi naman kayo nagta-transmit. May mga pagkakataon pa ngang nabubuo ko ang pitong araw. Pero ang inaabangan ko, iyong pinaka, ay Dear Seksiyong Filipino at Gabi ng Musika. Ito kasi ang time para i-express ng mga nakikinig ang kanilang pananaw hinggil sa iba't ibang bagay at aspekto ng buhay.
May mga humuhula na mamamayagpag daw sa mundo ang mga ini-export nating saging simula ngayong Year of the Rat. Kung sa bagay, talaga namang saging ang pinakamalakas nating export. Pero sana magkatotoo ang hula. Ayon pa rin sa hula, patuloy pang lalakas ang piso laban sa dolyar. Harinawa.
Ano man ang maging kalakaran sa Pinas, ang pinakamahalaga sa lahat ay national unity. Kaya, ngayong Year of the Rat, ang wish ko ay total na pagkakaisa nating mga Pinoy.
Well, sana rin madagdagan ang iyong energy, Kuya, dahil sagadsad ka sa trabaho. Alagaan mo ang iyong sarili.
Regards to everybody.
Roxanne "RR" Rombawa San Juan, Metro Manila Philippines
Maraming-maraming salamat, Roxanne, sa iyong liham at sa iyong concern para sa akin at para sa aming lahat. More or less, ganoon din ang wish ko para sa iyo: peace and happiness. God love you.
Bago ang susunod na liham, tunghayan muna natin ang mga SMS ng ating textmates.
Mula sa 0041 787 882 084: "A Very Happy New Year to all! Kayo ay mga tunay na simbolo ng masaganang ani at magandang kapalaran!"
Mula naman sa 0086 134 263 777 60: "Alam ko na pawang magagandang bagay ang dala ng Year of the Rat sa ating lahat. Kailangan lang na maging optimistic tayo dahil kung ano ang iniisip natin, iyon ang mangyayari."
Mula naman sa 0086 138 1140 9630: "Happy New Year sa inyong lahat, Kuya Ramon. Gusto ko sana kayong batiin sa Chinese pero hindi ko alam sulatin. Sarapan ninyo ang luto at kain. Ikain niyo na lang ako. Wala kaming handa, eh."
At mula naman sa 920 950 2716: "Masayang bati sa lahat diyan sa Beijing sa Year of the Rat. Hindi lang double happiness ang wish ko, a hundred fortune din. Tumanggap sana kayo ng mas marami pang biyaya."
Ngayon, tingnan naman natin ang laman ng liham ni Naila Feria. Sabi ng kaniyang snail mail:
Dear Kuya Ramon,
Okay ka ba diyan?
Kami? Siguro hindi na kailangang sabihin.
Happy Year of the Rat muna sa inyong lahat!
Alam ko na super laki ang celebration at super dami ang handang pagkain at super colorful ang activities. Ingat lang sa paputok at huwag magpapaka-lasing.
Fresh pa sa isip ko ang tanong ninyo sa knowledge contest ninyo hinggil sa Olympics. Naalala ko lang dahil ngayong taon pala ang Olympics at natapat sa Year of the Rat. Hinihintay ko na lang ang kalalabasan ng contest.
Minsan, tinalakay ninyo ang hybrid rice. Alam ba ninyo ang latest? Ipagpapatuloy daw ng pamahalaan ni PGMA ang pagbibigay ng subsidy sa hybrid rice seed para raw maipagpatuloy ang masaganang ani ng palay ng ating mga magsasaka. Sabi nila hindi na raw mapagtatalunan ang hinggil sa subsidy dahil ang hybrid rice technology raw ay napakabisa pagdating sa produksiyon at pagiging sapat ng ating rice supply. Sa tingin ko nga rin. Isa pa, nakikilala na ang technology na ito hindi lang sa Asya kundi buong mundo rin, hindi ba? Alam na kasi ang pagiging effective nito.
Madalas kong naririnig sa mga nakikinig ang frequency na 7.180 MgHz, pero para sa akin 12.110 is better lalo na when it comes to music. Nandito ako pag may Gabi ng Musika.
Napakinggan ko ang mga episodes ng Cooking Show mo. Maraming happy sa pagkakarinig dito. Isa na ako doon.
Rest assured, Kuya, na saan man ako naroroon, naroon din ang inyong programa at hindi ko nami-miss. Naroon din ang aking promotion.
Happy Spring Festival!
God Bless…
Naila Feria c/o P. O. Box 1294 Manila Central Post Office Sta. Cruz, Manila Philippines
Maraming-maraming salamat, Naila, sa iyong liham, sa iyong walang-sawang pakikinig sa aming mga programa at sa iyong malaking malasakit sa amin. Walang katapusan ang aming pasasalamat sa iyo. Happy Spring Festival at God Bless You.
At diyan sa puntong iyan nagtatapos ang ating Dear Seksiyong Filipino 2008 para sa gabing ito. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|