Kinumusta noong ika-10 ng buwang ito sa Beijing ni Premyer Wen Jiabao ng Tsina ang ama ng hari ng Kambodya, na si Norodom Sihanouk at kanyang maybahay na si Norodom Monineath Sihanouk. Binigyan ni Wen ng mataas na pagtasa ang namumukod na ambag nina Sihanouk sa pagpapaunlad ng pagkakaibigan ng Tsina't Kombodya at pinasalamatan ang kanilang abuloy sa Tsina pagkaraang salantain ang timog Tsina ng pananalasa ng ulan, niyebe at pagyeyelo. Ipinahayag ni Wen na sa kasalukuyang taon, magkasamang magdiriwang ang Tsina't Kombodya sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng 2 bansa at taon ng pagkakaibigan ng 2 bansa at nakahanda ang Tsina, kasama ng Kambodya, na ipagpatuloy ang tradisyonal na pagkakaibigan, palalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan at ihatid ang benepisyo sa mga mamamayan ng 2 bansa. Ipinahayag naman ni Sihanouk na napakalalim ng pagkakaibigan ng mga mamamayan ng Kombodya at Tsina. Pinasalamatan niya ang pagkatig at tulong ng Tsina sa konstruksyon at kaunlaran ng Kombodya, at umaasang walang humpay na matatamo ng tradisyonal na relasyong pangkaibiga't pangkooperasyon ng 2 bansa ang bagong progreso.
Sa kanyang pakikipagtagpo noong ika-15 ng buwang ito sa Beijing kay Thongloun Sisoulith, dumadalaw na Pangalawang Punong Ministro at Ministrong Panlabas ng Laos, ipinahayag ni tagapangulo Jia Qinglin ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino na nakahanda ang kanyang bansa, kasama ng Laos, na walang humpay na pasulungin sa mas mataas at malalim na antas ang komprehensibong relasyong pangkooperasyon ng dalawang bansa na may pangmatagalang katatagan, pangkapitbansaang pagkakaibigan at pagtitiwalaan. Sinabi naman ni Thongloun na nakahanda ang partido at pamahalaan ng Laos na ibayo pang palakasin ang pagpapalitang pangkaibigan nila ng Tsina sa iba't ibang antas at larangan at patuloy na pasulungin ang pangkapitbansaang pagkakaibigan at komprehensibong kooperasyon ng dalawang basna. Nang araw ring iyon, nag-usap rin kay Thongloun si Yang Jiechi, Ministrong Panlabas ng Tsina at malaliman silang nagpalitan ng palagay hinggil sa pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa. Ipinahayag ni Yang na madalas ang pagdadalawan sa mataas na antas ng 2 bansa, walang tigil na lumalalim ang kanilang pragmatikong kooperasyon sa kabuhayan at kalakalan at pinananatili nila ang mahigpit na pagpapalitan at pagkokoordina sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Nakahanda anya ang Tsina na magsikap, kasama ng Laos, para mapasulong ang relasyon ng 2 bansa sa isang bagong yugto. Ipinahayag naman ni Thongloun na palagiang nananangan ang pamahalaan ng Laos sa patakarang isang Tsina at umaasang walang humpay na matatamo ang bagong bunga ng kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan. Nagpalitan din ng palagay ang 2 panig hinggil sa ika-3 summit ng Greater Mekong Subregion Economic Cooperatuon Program na idaraos sa Laos at nagpahayag ng kahandaang magkasamang magsikap para mapasulong ang tagumpay ng summit.
Idnaos noong ika-14 ng buwang ito sa Bangkok ng Asosyasyon ng Artista ng Tsina, Pambansang Galerya ng Thailand at Asosyasyon ng mga Artistang Tsino at Thai ang preskon hinggil sa eksibisyon ng makabagong sining ng Tsina at Thailand na idaraos sa ika-21 ng buwang ito sa Bangkok. Sa preskong ito, itinanghal ang isang pinturang ginawa ng ilang artistang Tsino na may pamagat na "Istilo ng Katimugan".
|