Bilang pagpapatupad sa nasabing mga hakbangin at Plano ng Pagpapaunlad ng Sonang Pangkabuhayan ng Beibu Bay, magkokonsentra ang Guangxi sa pagtatatag ng mga baseng bukas sa Asean. Kaugnay nito, inilahad ni G. Chen na:
"Magtatatag kami ng base ng paghahatid ng kargo o logistics, baseng pangkalakalan at pangkomersiyo, base ng pagpoproseso at pagyari ng mga produkto at gayundin ng sentro ng pagpapalitan ng impormasyon. Sa gayon, titingkad pa ang papel ng sonang pangkabuhayan ng Beibu Bay sa pagtutulungang panrehiyon."
Batay sa nasabing plano, pasusulungin ng Guangxi ang konstruksyon ng impraestruktura at bukod dito, pabubutihin din nito ang kapaligirang ekolohikal. Ang Beihai ay isa sa mga pangunahing lunsod sa sonang pangkabuhayan ng Beibu Bay at isa rin itong lunsod sa baybaying-dagat na nangunguna sa pagbubukas sa labas.
Itinuturing din itong isa sa mga lunsod ng Tsina na napakaangkop na panirahan. Kaugnay ng kanyang lunsod, ganito ang salaysay ni Lian Younong, alkalde ng Beihai.
"Lubusang pinahahalagahan ng Beihai ang pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal at likas na yaman at buong-tatag na tinatanggihan namin ang anumang proyektong posibleng magdulot ng malaking polusyon o proyektong malakas kumunsumo ng likas na yaman. "
Upang mapasulong ang pagtatatag ng sonang pangkabuhayan ng Beibu Bay, pinahahalagahan din ng Guangxi ang pagpapasulong ng serbisyong pinansyal. Kaugnay nito, sinabi ni G. Chen Wu na:
"Aktibo kami sa pagkatig ng mga institusyong pinansyal mula sa loob at labas ng Tsina na magbukas ng sangay sa Guangxi para mapasulong ang serbisyong pinansyal sa sonang pangkabuhayan ng Beibu Bay. "
Bukod sa nasabing mga hakbangin, mayroon ding misyon ang Guangxi pagdating sa pagpapasulong ng pagtatatag ng sonang pangkabuhayan ng Beibu Bay. Naritong muli si G. Chen.
"Bukod sa mga nabanggit na gaya ng pagpapasulong ng impraestruktura, magsasagawa rin kami ng mga insentibong hakbangin para mapapasok sa Guangxi ang mga talento sa iba't ibang larangan."
|