Natapos kahapon dito sa Beijing ang ika-16 na Pangkalahatang Asemblea ng Asosyasyon ng Lupong Olimpik ng Iba't Ibang Bansa o ANOC. Ngayong araw naman, magkasamang nagpulong ang ANOC at Executive Board ng Pandaigdig na Lupon ng Olimpiks o IOC. Sa aming panayam sa mga kalahok, nagpugay silang lahat sa ginagawang paghahanda ng panig Tsino para sa gaganaping Olimpiyada.
Ang ANOC na binubuo ng 205 Lupong Olimpik ng iba't ibang bansa't rehiyon ng daigdig ay nagdaraos ng pangkalahatang asemblea nito bawat dalawang taon. Sa katatapos na asemblea, nakinig ang ANOC sa work report ng Lupong Tagapag-organisa para sa Ika-29 Beijing Olympic Games o BOCOG.
Sinabi ni Mario Vazquez Rana, puno ng ANOC, na napakahusay ng ginagawang paghahanda ng Beijng para sa gaganaping Olimpiyada at nakikita niyang ang sambayanang Tsino ay nagpupunyagi sa pagtataguyod ng Olimpiyadang may mataas na lebel. Sinabi pa niya na:
"Nagsisikap pa rin kami para ang gaganaping Beijing Olympic Games ay maging isa sa mga pinakamahusay na Olimpiyada."
Aniya pa, suportadong suportado ang ANOC na binubuo ng 205 kasapi sa gaganaping Beijing Olympics dahil buong-husay na natupad ng panig Tsino ang mga pangako nito bilang punong-abala.
Ipinahayag naman ni Bernard Lapasset, pangalawang puno ng Pambansang Lupong Olimpik ng Pransiya, ang kanyang kasiyahan sa mga Olympic competition venue ng Beijing. Sinabi niya na:
"Bumisita ako sa ilang lugar ng paligsahan para sa gaganaping Olimpiyada at kasiya-siya ang mga ito para sa mga paligsahan ng mga atleta."
Si Ichiro Komo ay puno ng Lupon ng Tokyo para sa pag-aaplay ng kuwalipikasyon sa pagtataguyod ng Olimpiyada sa taong 2016 at ipinahayag niya ang kanayng pag-asang mapupulot ang karanasan ng Beijing bilang punong-abala ng Olimpiyada. Sinabi niya na:
"Noong taong 1990, dumalo ako sa Beijing Asian Games bilang kinatawan ng delagasyong Hapones at sa tingin ko, kasiya-siya ang Asian Games village. Pagdating sa gaganaping Olimpiyada sa Beijing, ang sambayanang Tsino ay gumagawa ng lahat nilang magagawa at tiyak na magtatagumpay ito."
Kaugnay ng pangako ng Tsina na magtaguyod ng luntiang Olimpiyada, sinabi ni Jacques Rogge, Puno ng IOC, na sa proseso ng paghahanda para sa gaganaping Olimpiks, maraming isinasagawang hakbangin ang panig Tsino para mapabuti ang kapaligiran. Sinabi niya na:
"Nitong ilang taong nakalipas, mabilis ang industriyalisayon ng Tsina, bagay na nagdudulot din ng polusyon. Pero, nagpupugay kami sa mga isinasagawang katugong hakbangin ng Pamahalaang Tsino at masasabing ang mga hakbanging ito ay hindi lamang para sa gaganaping Olimpiyada kundi maging pangmalayuang kalutasan sa polusyon."
|