Ngayong gabi, maririnig ninyo ang mga tinig ng mga tagapakinig na sina Romulo de Mesa, Paulene Mijares at Ronnel Lina na pawang nagpapahayag ng optimism sa pagsisimula ng Beijing Olympics sa Agosto pagkaraang mapanood ang seremonya ng pagsisindi ng sulo ng Olympics sa Olimpia, Greece at seremonya ng muling pagsisindi sa Beijing, China.
Sinabi ni Romulo na habang sinisindihan ng kilalang artistang Griyego ang Beijing Olympic torch sa Hera Temple sa Olimpia, Greece, parang nakita niya sa liwanag ng banal na tanglaw ang maliwanag na palatandaan na ang Beijing Olympics ay tuloy na tuloy na at hindi na mapipigilan pa.
"Ang pagsisimula ng torch relay ay isang malaking palatandaan na tuloy na tuloy na ang summer Olympics sa Beijing. Marami nang heads of state ang nagpahayag ng kanilang intensiyon na dumalo sa opening ceremony at kabilang dito si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Feel na feel na ng mundo ang pagbubukas ng Palaro na gaganapin sa environment-friendly na Bird's Nest. Marami ang nangangarap na makapasok dito."
Hindi lang nabanggit ni Romulo pero marahil, bukod sa liwanag mula sa banal na tanglaw, may nakita rin siyang liwanag sa isang bahagi ng mga talumpati nina Liu Qi at Jacques Rogge, puno ng Beijing Games at pangulo ng IOC ayon sa pagkakasunod.
Sinabi ni Liu sa kanyang talumpati na ang banal na tanglaw ng Olimpiyada ay maghahatid ng liwanag at kaligayahan, katahimikan at pagkakaibigan, pag-asa at pangarap sa mga mamamayan ng Tsina at ng buong mundo.
Ipinahayag naman ng pangulo ng International Olympic Committee ang kanyang pag-asa na ang simbolo ng sulo ay makikilala ng lahat at ang tumpak na kalagayan ay malilikha saanman naglalakbay ang sulo upang ito ay umalingawngaw.
Sinabi naman ng chemistry teacher na si Paulene Mijares na ang partisipasyon ni Pangulong Hu Jintao ng Tsina sa seremonya ng muling pagsisindi ng sulo sa Tian An Men Square sa Beijing ay nagbibigay-diin sa malaking pagpapahalaga ng Tsina sa Olimpiyada. Ito ay nagpapakita din aniya ng tapat na hangarin ng Tsina na makapag-ambag sa ikagaganda ng kapaligiran ng mundo sa pamamagitan ng pagdaraos ng kauna-unahang clean and green Olympics.
"Sa tingin ko, ang Beijing Olympics ang magiging kauna-unahang Olympics sa history ng Olympiad na ang focus ay clean and green environment. Wala pa akong narinig na ganito sa mga nakaraang Olympic Games. Ito ay reflection ng seryosong hangarin ng China na mapaganda ang kalagayang pangkapaligiran ng mundo at naniniwala ang China na dapat samantalahin ang pagdaraos ng Olympics para itaguyod ang clean and green environment."
Sinabi naman ng kawani sa isang tanggapan sa Maynila na si Ronnel Lina na sa pagsisimula pa lang ng torch relay, dalawang rekord na ang nasira ng Tsina: Ito ang pinakamahabang torch relay sa kasaysayan ng Olimpiks at ito rin ang may pinakamaraming torchbearers. Umaasa siya aniya na marami pang masisirang rekord ang Tsina sa pagsisimula ng Olimpiks sa ika-8 ng Agosto. Sinabi rin niya na:
"Ito ang magandang pagkakataon para mapanood ang mga manlalarong Tsino at their best. Siyempre, bukod sa pagdaraos ng Olympics, paghahandaan din nang husto ng China ang pagsabak ng mga manlalaro nito sa summer Games. Naniniwala ako na maraming mabi-break na rekord ang Chinese players sa Beijing Olympics, kaya huwag na huwag ninyong kalilimutang subaybayan ang bawat event ng palaro."
Maraming salamat sa inyo, Romulo, Paulene at Ronnel.
Ngayon, tingnan naman natin ang mga mensahe ng ating textmates.
Mula sa 919 426 0570: "Heto na! Narito na! Beijing 2008 Olympics! Kita kits tayo sa August 8!"
Mula naman sa 917 351 9951: "Para ko nang nakikinikinita ang magarang opening ceremony ng 2008 Beijing Olympics! Mabilis ang paglipas ng panahon at hindi magtatagal at masisilayan na natin ang palarong inaasam-asam na makita ng lahat!"
At mula naman sa 0086 135 2023 4755: "All-out ang suporta namin sa Beijing Olympics sa August at Beijing Paralympics sa September. Walang anumang kadahilanan ang makakapigil sa amin sa pagsuporta sa dream Games na ito."
Ngayon, tingnan naman natin kung ano ang laman ng mga liham ng ating letter-senders.
Sabi ng e-mail ni Let Let Alunan ng Germany: "Kuya Ramon, inuulit ko na 100 percentang suporta ko at namin dito sa Beijing Olympics. Nagsimula na ang torch relay.Ang kauna-unahang torchbearer ay mula sa Grece. Ipapasa ito sa China at mula sa China, ipapasa sa mga bansang kinabibilangan ng Kazakhstan, England, France, U.S.A. at iba pa na hindi ko nakuha. Less than 130 days na lang. Parang nasa kabilang ibayo na lang ang Olympics."
Sabi naman ng snail mail ni Jane ng Riyadh, Saudi Arabia: "Panahon na para bigyan ng gobyerno ng Pilipinas ng importansiya ang isports. Nangungulelat tayong lagi kasi kulang sa financial support ang ating mga manlalaro. Ang itinuturing nating mga bayani ay iyong mga naglalaro for bread at hindi iyong national players. Bakit ba ganun tayong mga Pilipino? Sa boksing na lang, marami tayong mahuhusay na boksingero pero hindi nabibigyan ng suporta. Tulungan naman natin sila."
Sabi naman ng bahagi ng liham ni M. J. Foster ng Denmark: "Kung hindi man ako personal na makapanood ng Olympics sa Beijing, sana naman masundan ko ang mga development sa pamamagitan ng inyong website at broadcasts. Magkaroon sana kayo ng blow-by-blow coverage. Enthusiastic ako sa development ng sport events na ito."
Maraming-maraming salamat sa inyo, Let Let, Jane at Mary at ganun din sa inyong lahat sa inyong walang-sawang pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|