Ang kalidad ng atmospera sa panahon ng gaganaping Beijing Olympics ay nakatawag ng malawak na pansin. Kaugnay nito, solemnang inulit ng opisyal ng Beijing na matutupad ng punong-abala ang ipinangako nito hinggil sa pagpapabuti ng kalidad ng atmospera ng Beijing.
Taga-timog Korea si Gng. Son Chun Hua at nag-aaral siya ngayon sa Renmin University of China. Sinabi niya sa mamamahayag na sa kanyang 6-na-taong pananatili sa Beijing, nararanasan niya ang paglinis ng atmospera ng kabiserang Tsino. Sinabi niya na:
"Kumpara sa panahon kung kailan kararating ako sa Beijing, lumilinis ang atmospera nito at kasabay nito, lumalakas din ang kamulatan ng mga tao sa pangangalaga sa kapaligiran."
Noong taong 2001 nang magtagumpay ang Beijing sa pag-bibidding sa pagtataguyod ng ika-29 na Olimpiyada, nangako itong sa panahon ng pagdaraos ng Olimpiks, makakaabot sa pambansang istandard at gayundin sa pamantayan ng World Health Organization ang kalidad ng atmospera ng punong-abala.
Ayon kay Du Shaozhong, Pangalawang Puno ng Kawanihan ng Pangangalaga sa Kapaligiran ng Beijing, noong taong 1998, nagsimula nang magsagawa ang kabiserang Tsino ng mahigit 200 hakbangin para mahawakan ang polusyong dulot ng karbon, emisyon ng sasakyang-de-motor, bahay-kalakal at alikabok. Ipinakikita ng mga datos na sa kasalukuyan, nakaabot na sa istandard ang pagbubuga ng 3 pangunahing pollutant na kinabibiblangan ng carbon monoxide, sulfur dioxide at nitrogen dioxide at bukod dito, malaking nababawasan din ang polusyon ng inhalable particles o (particulate matter) PM10.
Sinabi pa ng opisyal ng Beijing na magsisikap pa ang kanyang munisipalidad para maigarantiya ang kalidad ng atmospera sa panahon ng gaganaping Olimpiyada.
"Una, magsasagawa kami ng higit pang mahigpit na pamantayan ng emisyon sa mga bahay-kalakal ng metalurhiya, repinarya ng petrolyo at petrokemikal. Ikalawa, bago magtapos ang darating na Hunyo, hahalinhan ang 1500 bus at 2000 taksi na hindi nakakaabot sa pamantayan ng emisyon. Kasabay nito, pahihigpitin din namin ang pagmomonitor sa mga construction site."
Aktibo rin ang mga residente ng Beijing sa pagpapalinis ng atmospera. Halimbawa, sa halip ng paggamit ng sariling kotse, marami sa kanila ang sumasakay ng public transport. Ganito ang sinabi ng isa sa kanila na si G. Zhou Yuelin.
"Papalapit ang Beijing Olympics. Nananawagan ako sa mga taga-Beijing na sa halip ng paggamit ng sariling kotse, sumakay ng mga public transport. Makakabuti rin ito sa kalusugan."
Buong-higpit na nakikipagtulungan din ang Beijing sa mga kapitlalawigan para magkakasamang mahawakan ang polusyon.
Sinabi ng opisyal ng Beijing na sa pamamagitan ng nasabing mga hakbangin, walang-dudang maiigarantiya ang kalidad ng atmospera ng Beijing. Sinabi pa ni G. Du na:
"Sa pagtupad sa mga nabanggit na hakbangin, segurado kaming makakaabot sa pambansang istandard at pamantayan ng WHO ang kalidad ng atmospera ng Beijing sa panahon ng gaganaping Olimpiyada. Pangmalayuan ang mga hakbangin ng Beijing sa pangangalaga sa kapaligiran at pagkaraan ng Olimpiyada, magpapatuloy pa ang Beijing sa pagpapalinis ng atmospera. "
|