Magandang gabi. Inaanyayahan ko ang lahat na samahan ako sa pag-aalay ng ilang saglit na tahimik na panalangin para sa mga kaluluwa ng mga nasawi sa malakas na paglindol sa Lalawigan ng Sichuan ng Tsina... Manalangin tayo...
Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa espesyal na edisyon ng Dear Seksiyong Filipino 2008.
Noong ika-12 ng Mayo, araw ng Lunes, ang Lalawigan ng Sichuan ng Tsina ay ginulantang ng malakas na pagyanig na ikinamatay at ikinasugat ng libu-libong tao at ikinasira ng maraming tahanan, lansangan, gusali, impraistruktura, pasilidad ng telekomunikasyon, transmisyon ng koryente at iba pa.
Pagkaganap na pagkaganap ng malagim na pangyayari, agad namang umaksiyon ang pambansang pamahalaan ng Tsina at pinakilos ang militar at kapulisan para saklolohan ang mga biktimang nadaganan ng mga gumuhong tahanan, paaralan at gusali at dali-dali ring nagtungo sa lugar na pinangyarihan ang mga ahensiyang panaklolo at mga tauhang medikal na may kinalaman sa pagkakaloob ng pang-unang lunas.
Ang lahat ng mga aksiyong ito ay pinapurihan naman ng United Nations at mga ahensiya nito at ng komunidad ng daigdig.
Hinggil sa aksiyong ito ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino, sinabi ng tagapakinig na si Jonah Domingo na:
"Noong nakaraang linggo, muling naganap sa China iyong trahedya na naganap sa bansa noong ilang dekada na ang nakalipas at natatandaan ko pang noong panahong iyon, hindi pa talagang bukas ang China sa labas kaya ang mga Chinese lamang sa loob ng bansa ang nagtulung-tulong para sa paghahanap at pagliligtas sa mga biktima ng tremor. Muli kong nasaksihan ang pagkakaisang ito ng mga Chinese sa lindol na naganap sa Sichuan at itong pagkakaisang ito plus iyong tulong ng mga Chinese at kaibigan sa iba't ibang bansa ang nagsisilbing lakas para malampasan ng bansa ang kasalukuyang krisis. Iyan ang ipinagdarasal ko at ng lahat ng mga kababayang Pilipino—ang mabilis na pagbangon ng bansa pagkaraan ng krisis."
Dahil sa matinding pait ng pangyayari, ipinatalastas ng Konseho ng Estado ng Tsina ang pagdedeklara sa ika-19, ika-20 at ika-21 ng buwan bilang "mga araw ng pambansang pagluluksa" na kinabilangan ng paglalagay sa pambansang bandila sa half-mast at pansamantalang paghihinto ng aliwan.
Noong ika-19 ng buwan, bandang 2:28 ng hapon, eksaktong pitong araw sapul nang maganap ang trahedya, sabay-sabay na nanahimik nang ilang sandali ang mga mamamayang Tsino bilang pakikidalamhati sa mga naulila ng mga biktima at bilang pagpapahayag ng kalungkutan sa naganap sa bansa.
Nang mga sandaling iyon, may ilang Pilipino na tahimik ring nananalangin at isa na rito ang tagapakinig sa si super DJ Happy. Sinabi niya:
"Dahil sa malakas na lindol na naganap sa Sichuan, gusto kong sabihin sa lahat ng mga kaibigan diyan na hindi lang kayo ang nalulungkot at nasisiphayo. Ganoon din ang nararamdaman ko ngayon dahil nangyari na ang ganyang kaganapan sa aming bansa. Sa tulong ng aming mga dasal at ng suportang materyal mula sa loob at labas ng bansa, malakas ang paniwala ko na muling babalik ang sigla ng Sichuan at ng buong bansa."
Minsan pa, sa gitna ng pangyayaring ito, naramdaman ng Tsina na siya ay hindi nag-iisa. Magkakasunod na nagpadala ng mensahe at alok ng tulong ang mga lider ng iba't ibang bansa, mga organisasyong pandaigdig, civil societies at maging ang mga pangkaraniwang mamamayan ng iba't ibang bansa at kabilang na rin sa mga mamamayang ito ang masugid na tagapakinig ng aming Cooking Show na si Baby Rose Jimenes. Sinabi niya:
"Bilang kaibigan ng China on and off the air, hindi ninyo maaalis sa akin ang malungkot dahil sa malakas na pagyanig na nangyari sa Sichuan Province, China. Marami nang pagsubok na dinaanan ang China at lahat ay nalampasan nito, kaya ganoon din ang inaasahan ko sa pagkakataong ito... Huwag kayong mag-alala, ipagdarasal ko kayo araw-araw."
Maraming salamat sa inyo, Jonah, Baby at Happy.
|