Mahigit 100 araw na lang ang natitira bago dumating ang ika-29 na Olympic Games na nasa pagtataguyod ng Beijing. Upang maigarantiya ang seguridad sa panahon ng pagdaraos ng Olimpiyada, naglunsad na ang panig Tsino ng mga aktibidad sa Beijing at iba pang mga co-host cities para mapalaganap sa mga mamamayan ang karunungan hinggil sa seguridad na pampubliko.
"Limitado lang ang lakas ng panig pulisya, pero, walang-hanggan naman ang lakas ng publiko. Bilang matibay na tagapagtaguyod ng pulisya, maaring maipaalam sa amin ng madla ang hinggil sa mga posibleng panganib na may kinalaman sa seguridad."
Ang narinig ninyong tinig ay ng isang pulis na si Yang Xiuqi habang isinasalaysay niya sa publiko ang hinggil sa kanilang dapat isabalikat na tungkulin para matiyak ang seguridad ng gaganaping Olimpiyada.
Napag-alamang sa pamamagitan ng nasabing mga aktibidad na nasa pagtataguyod ng mga organo ng seguridad na pampubliko ng iba't ibang lugar ng bansa, nalalaman ng publiko ang hinggil sa mga saligang karunungan ng mga may kinalamang batas at regulasyon at binibigyan din sila ng mga kaalaman hinggil sa paggarantiya ng seguridad ng gaganaping Olimpiyada sa aspekto ng transportasyon, kaayusang panlipunan, pagpasok-labas ng bansa, pagpatay at pagpigil ng panununog, pagbabawal ng narkotiko at iba pa.
Si Ms. Zhao, isang residente ng Beijing na nasa katanghaliang-gulang, ay isa sa mga nakilahok sa nasabing aktibidad at ganito ang sinabi niya.
"Upang salubungin ang 100-araw na countdown ng gaganaping Beijing Olympics, magdaraos ang aming residence community ng iba't ibang aktibidad na pampubliko ng palakasan bilang pagdiriwang. Sa tingin ko, bilang pagtataguyod sa Olimpiks, wala nang mas mahalaga o mas mabuting paraan kaysa sa pagpapalakas ng sariling katawan."
Sa Tianjin, Shanghai, Qingdao, Shenyang, Qinhuangdao at iba pang mga co-host cities naman ay naidaraos din ang ganitong aktibidad para pakilusin ang madla na makilahok sa paggarantiya ng maalwang pagdaraos ng gaganaping Olimpiyada.
Sapul nang makakuha ang Beijing ng pagkakataon sa pagtataguyod ng ika-29 na Olimpiyada noong taong 2001, nagsimula nang umaksyon ang panig Tsino para maigarantiya ang maayos na pagganap ng palarong ito. Noong taong 2004, nabuo ng punong-abala ang Koordinadong Grupo hinggil sa Seguridad ng Beijing Olympics na namamahala sa mga may kinalamang isyu.
Sinabi ni Liu Shaowu, kinauukulang opisyal ng Lupong Tagapag-organisa ng Beijing para sa Ika-29 na Olimpiyada o BOCOG, na bukas sa publiko ang kanilang gawaing may kinalaman sa seguridad ng gaganaping palaro at sa mula't mula pa, hinihikayat na ang madla na makilahok dito. Sinabi pa niya na:
"Ipinakikita ng logo kaugnay ng seguridad ng gangaping Olimpiyada na walang pakikilahok at suporta ng publiko, walang maalwang pagdaraos ng Beijing Olympics."
|