Sinabi kahapon dito sa Beijing ng opisyal na mula sa Ministri ng Yamang Tubig ng Tsina na sa kasalukuyan, buong-sikap na kinukumpuni ng mga may kinalamang panig ang mga proyektong pantubig na sinira ng lindol na naganap sa Sichuan noong nagdaang Mayo at kasabay nito, hinahawakan din nila ang mga quake lake para ligtas na makaraan sa tagbaha ang nilindol na Sichuan.
Mula unang araw ng buwang ito, pumasok na sa tagbaha ang mga nilindol na purok ng Sichuan. Dahil maraming reservoir, hydroelectric power station at dike ang nasira ng naganap na lindol, lumiliit ang kakayahan ng mga ito sa pagharap sa posibleng baha. Kasabay nito, hindi pa nakansela ang alerto sa lahat ng mga lawang bunsod ng lindol. Nagpapahirap ang mga ito ng pagkontrol sa posibleng baha sa mga nilindol na lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Jiao Yong, pangalawang ministro ng yamang-tubig ng Tsina, na alertong alerto ang mga may kinalamang panig ng bansa sa gawain ng pagharap sa tagbaha sa mga nilindol na purok. Pagdating sa mga isinasagawang katugong hakbangin, ganito ang inilahad niya.
"3280 tauhang propesyonal ang naipadala mula sa apat na sulok ng bansa sa mga nilindol na purok para suriin ang posibleng panganib sa mga nilindol na lugar. Dapat ding magsabalikat ang mga may kinalamang panig ng tungkulin sa pagpapatupad sa mga pangkagipitang plano sa pagharap sa posibleng panganib. Bukod dito, nagsasagawa ng pangkagipitang pag-alis ng panganib ng mga pasilidad na sinira ng lindol."
Napag-alamang sapul nang maganap ang lindol, nagsimula nang kumpunihin ng mga may kinalamang panig ng Tsina ang mga sinirang reservoir, hydroelectric power station at mga dike. Ayon sa pinakahuling datos, 80% ng mahigit 1800 nilindol na reservoir ang pangkagipitang nahawakan at natapos na ang paghawak sa lahat ng mga reservoir na mataas ang panganib. Pinaiiral din ang mekanismo ng pagmomonitor at maagang pagbababala sa nasabing mga nilindol na proyektong pantubig. Kasabay nito, naitakda rin ang pangkagipitang plano ng paglilipat ng mga residente na nakatira sa paligid ng nasabing mga proyekto.
Kaugnay ng 35 quake lake, masasabing nakansela na sa kabuuan ang alerto sa lahat ng mga ito.
Sinabi ni Jiao Yong, Pangalawang Ministro ng Yamang-tubig ng Tsina, na kasabay ng pagpasok sa tagbaha ng mga nilindol na purok, pag-iibayuhin nila ang pansin sa pagsusubaybay at paghawak sa mga sinirang reservoir at mga quake lake. Kaugnay nito, sinabi pa niya na:
"Para sa mga sinirang reservoir, dapat puspusang kumpunihin ang mga ito. Para naman sa mga quake lake, dapat buong-sikap na maiwasan ang posibleng panganib na dulot ng mataas na lebel ng tubig ng mga lawa at malakas na pag-ulan sa tagbaha."
Kasabay nito, lubusang pinahahalagahan din ng mga may kinalamang panig ang pagpapalabas ng maagang pagbababala at buong-higpit na sinusubaybayan nila ang pagbabago ng klima at pag-ulan.
|