• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2008-07-04 11:19:22    
2008 Beijing Olympics: Environment-friendly Measures ng Tsina, Nakatawag ng Pansin ng mga Tagapakinig

CRI
Sana sa ating pagdarasal sa umaga pagkagising at sa gabi bago matulog, alalahanin naman natin ang ating mga kababayan na hindi pinaligtas ng bagyong si "Frank." Kailangang kailangan nila ang ating mga dasal. Huwag nating ipagkait ang mga ito sa kanila.

Sina Butch Pangilinan ng Olongapo City at Baby Rose Jimenes ng Maynila ay ilan lamang sa mga tagapakinig na ang pansin ay natawag ng mga isinasagawang hakbangin ng Tsina para mapabuti ang kalidad ng hangin at ang pangkalahatang kapaligiran ng Beijing bilang paghahanda sa nalalapit na Olympic Games.

Ang ilan sa mga hakbangin na nakatawag ng kanilang pansin ay ang paggamit ng "coding system" sa mga sasakyan, paghihigpit sa "no smoking" sa mga pampublikong lugar, pagbabawal sa pagbibigay ng libreng supot na plastic sa mga tindahan, pagpigil sa "smoke belchers," at iba pa.

Sabi ni Butch, ang paggamit ng "coding system" ay isa sa mga praktikal na paraan para mabawasan ang bilang ng mga dumadaloy na sasakyan sa lansangan. Ang labis-labis aniyang bilang ng mga sasakyang nagyayaot sa mga kalye ay isa sa mga nakikitang dahilan ng pagbaba ng kalidad ng hangin ng Beijing at ang pagsisikip ng trapiko ay hindi nakakatulong sa pagpapabuti ng imahe ng Beijing bilang host ng Olympics.

"Kung maipapatupad ng China ang "coding" para sa lahat ng mga sasakyan, private o public, makakatulong ito nang malaki sa pagbabawas sa pagsisikip ng trapiko at pati na rin sa pagbabawas sa maruming usok. Ginagamit iyan dito sa Pilipinas at malaking tulong din sa mga nagpapatupad sa batas trapiko. Talaga naman kasing kahit saang lunsod ay problema iyang trapiko at maruming usok."

Sabi ni Butch, tama lamang na ipagbawal ng Tsina ang paninigarilyo sa mga lugar na pampubliko at pamimigay ng supot na plastik sa mga tindahan, may Olympics man o wala. Ang pinagsama-sama aniyang usok ng sigarilyo ay nakakadagdag sa lason sa hangin at ito ay hindi nakakabuti sa kalusugan ng mga tao, kaya tama lamang na ipagbawal ang paninigrilyo sa mga lugar na madalas na pinupuntahan ng publiko na tulad ng mga hotel at restaurant.

Ang paggamit naman aniya ng supot na plastik ay hindi environment-friendly. Sabi niya, kung pagsasama-samahin ang mga itinatapong supot na plastik sa araw-araw, ang dami ng mga ito ay sapat na para tayo ay ma-suffocate.

"Napapanahon ang pag-i-impose ng China ng "no smoking" sa public places at sa "no free plastic bags" sa malalaki at maliliit na tindahan at sa mga pamilihan sa bansa. Ang usok ng sigarilyo ay hindi lamang nakaka-pollute sa hangin na hinihinga ng mga residente, kundi pinagmumulan din ng iba't ibang uri ng karamdaman. Ang plastic bags naman ay may kinalaman sa environment. Nasasakal na ang mundo natin dahil sa dami ng plastic bags na nakabaon sa lupa at nagkalat sa paligid. Alalahanin natin na hindi nasisira ang mga ito."

Sabi naman ni Baby, kahanga-hanga ang puspusang aksiyon ng Tsina para matiyak na mabibigyan ng magandang transport service ang mga mamamayan at bisita sa panahon ng Olimpiyada. Dadagsa aniya ang mga tao sa kapital na lunsod sa pagsisimula ng Palaro, kaya dapat magkaroon ng sapat na sasakyan at magandang serbisyo ng mga sasakyan sa panahong ito.

"Maganda ang naisip ng Beijing na pag-aalok ng libreng sakay sa mga taong magtutungo sa mga lugar na pagdarausan ng mga palaro at pagkakaloob ng beinte kuwatro oras na serbisyo ng pampasaherong sasakyan sa buong panahon ng pagdaraos ng Olympics at Paralympics. Dadagsa ang mga bisita sa Beijing sa pagsisimula ng Olympics kaya mas maagang maaayos ang transport service mas mabuti."

Sabi nina Butch at Baby, may ginagawa ring hakbangin ang Tsina para masiguro ang food safety sa panahon ng Olympics pero natitiyak daw nila na hindi magkakaroon ng problema sa area na ito dahil noong una pa ay talagang mahigpit na ang Tsina dito.

Maraming salamat, Butch at Baby, sa inyong pagpapaunlak.

Si Butch Pangilinan ay security officer sa Subic Bay Port at si Baby Rose Jimenes naman ay nagma-may-ari ng isang restaurant sa Maynila.

Sa bahaging ito ng ating programa, gusto kong bigyang-daan ang ilang mensahe ng pakikiramay sa mga kababayan na nawalan ng mga kamag-anakan at/o ari-arian, sa panahon ng pananalasa ng bagyong si "Frank."

Sabi ng 910 340 8695: "Kuya Ramon, gusto kong ipaabot ang aking pakikiramay sa lahat ng mga kababayan na nakaranas ng hagupit ni Frank. May nakahanda na kaming tulong para sa kanila at kasama sila sa aming mga dasal."

Sabi naman ng 919 257 8451: "Kuya, baka may mga kababayan diyan sa China na may kamag-anak na nasampolan ng lupit ng bagyong Frank," huwag lang silang mabahala. Marami silang karamay dito.

At sabi naman ng 920 434 4249: "Kuya, hindi pinatawad ni super typhoon Frank ang mga pasahero ng Sulficio. Let's offer a special mass for all of them."

Ngayon, punta naman tayo sa Olympic mail.

Sabi ni Antonio Sy ng Punta, Sta. Ana: "Kuya Ramon, gusto ko lang ipaalam sa iyo na sinusubaybayan ko ang inyong Olympic countdown. Humigit-kumulang 5 linggo na lang bago magsimula ang kinaiinteresan ng lahat na Beijing Olympics. Ang inaabangan ko sa lahat ay iyong opening at closing ceremonies. Alam kong maringal ang mga ito.

Sabi naman ni Janice Quinto ng Shunyi, Beijing: "Malapit na ang moment of truth. Makikita natin ang Chinese athletes at their best. Tiyak na paghahandaan nila ang kompetisyong ito--being the hosts!"

Sabi naman ni Ren Ren Mabutas ng Lunsod ng Kalookan: "Sana magkaroon ng pagkakataon ang mga taga-Sichuan na makabili ng tiket para sa Olympic Games. Ito ay isa ring paraan para matulungan silang makalimutan, kahit pansamantala lang, ang kanilang masaklap na karanasan sa kanilang lalawigan."

Maraming salamat sa inyo, Antonio, Janice at Ren Ren at ganun din sa lahat ng mga nagpadala ng mensahe ng pakikiramay.

Hanggang diyan na lang ang ating Dear Seksiyong Filipino 2008 para sa gabing ito. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.