"Congratulations sa Serbisyo Filipino ng CRI. Marami kayong pinahanga sa inyong live talk show. Sana maulit ito sa isa sa mga susunod na araw"
Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa Dear Seksiyong Filipino 2008.
Pasensiya na doon sa mga naghihintay na mabasa ang kanilang mga e-mail at SMS. Medyo mapi-pre-empt na naman iyong program na nakaiskedyul ngayong araw. Kailangan kasing mabigyang-daan sa himpapawid ang reactions ng mga tagapakinig sa inilunsad naming live on-line program noong June 27 ng umaga.
Ang nabanggit na on-line program na may temang "Tayo'y Magkakapamilya" at hosted ng aming everdearest na si Xian Jie at ng aming ipinagmamalaking si Jason at ng aming ipinagkakapuring si Tony Shi ay ikinagulat at ikinatuwa ng marami. Ikinagulat dahil live, isang oras at isinahimpapawid sa umaga at ikinatuwa dahil isa na naman daw breakthrough ng Serbisyo Filipino. Talaga, ha?
Ang isa sa mga nagulat at natuwa sa pagsasahimpapawid naming ito ay ang kaibigan naming rapper na si Brian O'Neal ng Olongapo City. Sinabi niya:
"Sa tingin ko, dahil sa pagsisimula ninyo ng on-line program, lumawak ang saklaw ng inyong pagsasahimpapawid. Dati madalas nating naririnig ang Hong Kong, Saudi Arabia at ilang bansa ng Europa. Pero ngayon, lampas pa sa pinakamalayong naaabot ng short-wave. Kaya ang dating Seksiyong Filipino family ay naging Sino-Filipino family na."
Sinabi pa ni Brian, bilang karagdagan, na very timely ang naturang programa at sigurado raw na, bukod sa kaniya, marami pang ibang nasiyahan sa naturang pagsasahimpapawid ng Serbisyo Filipino.
"Very timely ang inyong on-line program dahil last month ay celebration ng Philippine Independence Day at Filipino-Chinese Friendship Day at ang topic ng inyong on-line program ay pagdadamayan ng mga Pilipino at Chinese. Maganda ang pagtalakay ninyo sa naturang paksa, kaya siguradong maraming nasiyahan sa inyong pagsasahimpapawid."
Nagulat at natuwa rin sa aming on-line program si super DJ Happy. Sabi niya malayo raw ang mararating ng aming pagsasahimpapawid at sana maulit pa.
"Ayos naman ang pagkakagawa ng inyong live program on-line. Maganda ang concept at format at pati overall impact. Dapat masundan kaagad ito dahil meron naman pala kayong sinasabi pagdating sa live programs. Matatas din ang mga host ng program. Tuluy-tuloy silang nagsalita sa loob ng isang oras at parang hindi nag-aapuhap ng sasabihin. Nai-cover nilang mabuti ang topic at tiyak na maraming narinig ang mga tagapakinig hinggil sa Sichuan na hindi nila naririnig noon."
Iyan ang initial reactions nina rapper Brian O'Neal at super DJ Happy sa inilunsad naming "Live na Diyalogong On-line" noong ika-27 ng nagdaang buwan. Salamat sa inyo mga bro. at ganundin kina mareng Gina ng Baclaran, Emmy Panajon ng Pandacan at Jennelyn ng Shunyi, Beijing. Itong huling tatlong nabanggit ay nagpaabot ng kanilang pagbati sa pamamagitan din ng telepono.
Tingnan naman natin ang mga mensahe ng ating textmates na hindi rin nagpapahuli sa pagpapadala ng reactions.
Sabi ng 0062 8131 9800 548: "Nakapiling namin kayo nang matagal sa inyong on-line serbisyo! Pinasaya ninyo kaming lahat! Tunay nga na kayo ang aming kaligayahan at tanging yaman!"
Sabi naman ng 921 993 5399: "Na-touch ako ng inyong on-line presentation! Sa pakiramdam ko tuloy hindi lang tayo magkakapamilya, magkakapuso pa!"
Sabi naman ng 0041 787 882 084: "Thanks for remembering us in your program! You have our full support! You are doing great!"
Sabi naman ng 0049 242 188 210: "Excellent ang inyong idea ng one-hour program! Madali nitong nakuha ang active participation ng listeners!"
Sabi naman ng 917 351 9951: "Congratulations! Super-duper ang naisip ninyong live on-line program. Sana gawin ninyo ito on regular basis!"
At sabi naman ng 917 483 2211: "Kung babatiin ko kayo dahil sa inyong on-line program, walang katapusan ang aking pagbati at kung pupurihin ko naman kayo, wala ring katapusan ang aking papuri. Ganyan kalalim ang iniwang impresyon sa akin ng inyong programang on-line!"
Tunghayan naman natin ang mga e-mail.
Sabi ng manny_feria@yahoo.com: "Maraming tanong ang naglalaro sa aking isip hinggil sa Sichuan--ikinabubuhay ng mga tao, contribution sa general economy ng bansa, level of development, etc.--pero hindi ko naipadala sa inyong website.Anyway, nasagot naman ninyo halos lahat indirectly sa inyong diyalogo. Magaling ang pagkakagawa ng inyong on-line program at ideal ang haba, 1 hour. I am looking forward to hearing more of this. Regards sa lahat ng hosts ng program."
Sabi naman ng romulo_demesa@yahoo.com: "Mabuti hindi kayo nagkamali na bumati ng magandang gabi. Laging magandang gabi ang sinasabi ninyo tapos biglang naging magandang umaga. Hindi bale. Hindi siguro matatapos ang pagpuri ko sa inyo dahil sa inyong matagumpay na on-line broadcast. Kung isasaalang-alang na ito ay inyong kauna-unahan, masasabing mabigat na rin kayo. Ipagpatuloy sana ninyo ang inyong magandang nasimulan."
Maraming salamat sa inyo, Manuel at Romulo at ganundin sa lahat ng mga iba pang nagpadala ng reactions sa aming on-line broadcast.
At hanggang diyan na lang ang ating munting palatuntunan sa gabing ito. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|