Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa abbreviated edition ng Dear Seksiyong Filipino 2008.
Oooops, mahigit anim na araw na lang at 2008 Beijing Olympics na. Sabi nga ng isang tagapakinig "ilang tulog na lang." Talaga naman. Kaya naman panay na panay na ang padala ng mga tagapakinig ng mensaheng pambati at panalubong sa Beijing Games. Maririnig ninyo ang mga mensaheng ito ngayong gabi.
Bigyang-daan natin ang voice mail ni Romulo de Mesa ng Lalawigan ng Marinduque.
"Ngayon pa lang ipinaaabot ko na ang aking mainit na pagbati sa inyong lahat diyan sa Beijing sa pagsisimula ng 2008 Beijing Olympics. Maraming bagay sa Olympic Games na ito ang makapag-iiwan ng malalim na impression sa isip ng mga manonood at kabilang dito ang Olympic Green, Main Stadium at marami pang ibang Olympic Sport Venues. Kasama na rin diyan siyempre iyong mga palabas na gaganapin sa pagitan ng mga laro. Mahusay na mahusay ang China sa cultural shows kaya siguradong hindi makakalimutan ng mga makakapanood ang mga palabas na ito."
Bago ang mensaheng ito, sa pamamagitan ng e-mail, ipinahayag ni Romulo ang kanyang paghanga sa sistema ng paghahanda ng Beijing para sa Olympics at ang kanyang wish na personal na makita ang Bird's Nest at Water Cube.
Si Romulo na tubong-Marinduque ay kasalukuyang naninirahan sa Iridium, A. Francisco, Sta. Ana, Manila. Siya ay isang refrigeration and air-conditioning expert.
Itong susunod na recording ay may technical problem. Please bear with us.
"Maaga pa naman, pero congratulations sa Beijing sa mahusay na paghahanda nito para sa Olympics. Reding-ready na ang lahat para sa pagbubukas ng kauna-unahang green and hi-tech Olympics sa mundo. Kumpara sa mga nagdaang Olympic Games, itong Beijing Games marahil ang magiging pinaka-memorable dahil luntiang luntian ang dating ng lahat ng venues mula sa Bird's Nest hanggang sa Media Village at ito lang ang Olympics na kung saan may chance ang mga bisita na makapunta sa iba pang lugar ng China na tulad ng Hong Kong, Shanghai at Tianjin dahil doon gaganapin ang ibang events."
Iyan naman ang mensahe ni Danilo Reyes, isang private contractor mula sa San Andres, Manila. Matagal na rin siyang nakikinig sa Serbisyo Filipino.
Nitong mga nagdaang araw, ipinahayag ni Danny sa akin ang kanyang impresyon sa hi-tech structures at green venues na ipinagawa ng Beijing. Sabi niya "unique na unique" daw.
Narito naman ang kabuuan ng mensahe ni Wilbert Nicolas ng Bukidnon.
"Ilang tulog na lang... We are almost there! Salubungin natin ang Beijing Games nang buong-saya. Alalahanin natin na ang tagumpay nito ay tagumpay ng China at ng buong Asya. Wala akong pagkakataon na mapanood ang Olympics kaya medyo sad ako. Binabati ko iyong mga kababayan na makakabiyahe sa Beijing para manood. Ang masasabi ko lang: 'Happy is he who comes to see the Games.'"
1990's pa nakikinig na si Wilbert sa aming pagsasahimpapawid.
Maraming salamat sa iyo, Wilbert, at ganundin sa inyo, Romulo at Danny.
Marami pa sana akong gustong sabihin pero wala na tayong oras. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|