4 na araw lang ang natitira bago simulan ang Beijing 2008 Olympic Games. Sa isang preskon ngayong araw sa Beijing International Broadcast Center o BIBC, isinalaysay ng mga opisyal Tsino ang hinggil sa isinasagawang paghahanda ng punong-abala para sa idaraos na Olimpiyada.
Kaugnay ng transportasyon, ganito ang tinuran ni Zhou Zhengyu, isang may kinalamang opisyal Tsino.
"Tulad ng alam ninyo, upang mapabuti ang transportasyon sa panahong ng pagdaraos ng Olimpiyada, nitong nagdaang Hulyo, nagsimula nang maglimita kami ng paggamit ng mga pribadong kotse at sa halip, hinihikayat namin ang mga residenteng lokal na sumakay ng public transport. Salamat dito, malakihang napapahupa ang pagsisikip ng trapiko."
Noong ika-20 ng nagdaang Hulyo, nagsimulang magsagawa ang Beijing ng 12 hakbangin para mapabuti ang transportasyon ng Beijing. Halimbawa, sa mga petsang tukol, ang mga kotse na ang plaka ay numerong tukol lamang ang napapahintulutang gamitin at sa mga petsang gansal naman, ang mga kotse ng plakang numerong gansal ang napapahintulutang gamitin.
Kaugnay naman ng paghahanda sa iba pang mga aspekto, ganito ang sinabi ni G. Liu Zhi, Tagapagsalita ng Pamahalaang Munisipal ng Beiing.
"Tungkol sa suplay ng koryente, makaktugon kami ng pangangailangan dito sa panahon ng pagdaraos ng Olimpiks. Sa aspekto ng transportasyon, nabuksan na namin ang 34 na espesyal na linya ng public transport at 3 bagong city light rail. Pagdating sa pagpapalinis ng hangin, mula ika-28 ng nagdaang Hulyo hanggang kahapon, 7 araw na singkad na nakaabot sa istandard ang kalidad ng hangin ng Beijing. Sa serbisyong medikal, 3000 manggagamot at nars ang naipadala sa mga istadyum at Olympic village para paglingkuran ang mga panauhin mula sa loob at labas ng Tsina. Kasabay ng nasabing mga hakbangin, nagsisikap din ang punong-abala para mapabuti ang kapaligiran nito."
7 taon na ang nakaraan nang magwagi ang Beijing bilang punong-abala sa ika-29 na Olimpiyada, nangako itong buong-husay na magtaguyod ng Olimpiks kasabay ng buong-sikap na paglilingkod ng mga residenteng lokal. Sa paglipas ng panahon, natupad ng Beijing ang lahat ng pangako nito bilang punong-abala. Kasabay nito, nanantiling masigasig ang suporta sa Olimpiyada ng mga residente ng Beijing. Sinabi ng opisyal Tsino na handang handa na rin ang mga taga-Beijing para salubungin ang mga bisita mula sa apat na sulok ng daigdig. Sinabi pa niya na:
"Ang madla ng Bejing ay nagsisilbi naming matibay na tagapagtaguyod. Bilang mga boluntaryo, masipag sila sa pag-aaral ng wikang Ingles at mga karunungang may kinalaman sa Olimpiyada. Nagsisikap din sila para malaman ang hinggil sa kaugalian ng mga bansang dayuhan."
|