Kung patuloy na lalaki ang pambansang kabuhayan ng Tsina pagkaraan ng Beijing Olympics at Paralympics ay nakatawag ng pansin ng iba't ibang panig sa loob at labas ng Tsina. Kaugnay nito, sinabi ni G. Wang Yiming, Pangalawang Direktor ng Academy of Macroeconomics Research ng National Development and Reform Commission ng Tsina, na ang Beijing Olympics at Paralympics ay hindi magsisilbing watershed sa pag-unlad ng pambansang kabuhayan.
Sinabi ng dalubhasang Tsino na hindi maipagkakaila ang katotohanan na pagkaraan ng Olimpiks at Paralimpiks, posibleng humina o mawala sa loob ng maikling panahon ang pangangailangan sa pamumuhunan sa pagtatayo at pagkukumpuni sa mga istadyum at mga kinauukulang impraestruktura at ang pangangailangan sa konsumo sa mga panindang Olimpiko ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa, pero, hindi magbabago ang saligang lakas na nagpapasulong ng matatag at may kabilisang paglaki ng GDP ng Tsina nitong 30 taong nakalipas sapul nang isagawa ng bansa ang reporma at pagbubukas sa labas. Ganito ang ibayo pang paliwanig ni G. Wang.
"Noong taong 2007, ang GDP ng Beijing ay katumbas ng 3.6% ng kabuuang GDP ng Tsina. Humigit kumulang sa 300 bilyong Yuan RMB o 43 bilyong dolyares ang nailaan sa pagtatayo at pagkukumpuni sa mga Olympic venues at kinauukulang impraestruktura ng Beijing. Kung paghahati-hatiin ang nasabing laang-gugulin sa loob ng apat na taon, ang karaniwang taunang gastos ay 75 bilyong Yuan RMB o 10 bilyong dolyares na katumbas ng 0.55 hanggang 1.06% ng kabuuang pambansang halaga ng puhunan sa mga di-natitinag na ari-arian. Ipinakikita nitong limitadong limitado ang idinudulot na epekto ng Beijing Olympics at Paralympic sa pambansang kabuhayan ng Tsina."
Sinabi pa ni G. Wang na nitong 7 taong nakalipas sapul nang gawaran ang Tsina ng karapatan sa pagtataguyod ng ika-29 na Olimpiyada, ang mga pangunahing elementong nagpapasulong ng patuloy at may kabilisang paglaki ng GDP ng Tsina ay kinabibilangan ng may kataasang paglaki ng deposito ng mga mamamayang Tsino, mabilis na pag-unlad ng urbanisasyon, malaking pamumuhunan sa konstruksyon ng mga impraestruktura, pagtaas ng estruktura ng konsumo ng mga mamimili, malaking potensyal ng pamilihan, pagtaas ng labour productivity at aktibong pakikilahok sa globalisasyong pangkabuhayan. Hindi magbabago ang mga ito kasabay ng pagtatapos ng Olimpiyada.
Ayon sa dalubhasang Tsino, dapat patingkarin ang positibong apektong dulot ng Olimpiyada sa pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina para mabisang harapin ang mga posibleng negatibong epekto. Sinabi pa niya na:
"Dapat naming patingkarin ang papel ng mga Olympic venues at mga kinauukulang impraestruktura para mapakulay ang aktibidad na pampalakasan ng mga mamamayang Tsino. Ikalawa, sa patuloy na pagtupad ng mga idea ng luntiang Olimpiyada, haytek na Olimpiyada at Kultural na Olimpiyada, magpapasulong kami ng pagbabago ng paraan ng pagpapalago ng pambansang kabuhayan. Ikatlo, dapat naming samantalahin ang Olimpiyada para mapasulong ang industriya ng serbisyo ng Tsina."
Kaugnay ng prospek ng kabuhayan ng Tsina, ganito ang sinabi ni G. Wang.
"Ang Tsina ay nasa kalagitnaan pa rin ng industriyalisasyon at ang lebel ng urbanisasyon namin ay mas mababa kaysa sa karaniwang lebel ng daigdig. Noong taong 2007, umabot lamang sa 2.5 libong dolyares ang karaniwang per capita GDP ng Tsina na mas mababa kaysa sa lebel ng mga maunlad na bansa. Kaya, malaki pa rin ang espasyo sa pamumuhunan sa mga bahay-kalakal at impraestruktura ng Tsina."
|