Ngayong gabi, tutunghayan natin ang mga mensahe ng ilang tagapakinig makaraan ang ilang araw na pagsubaybay sa pang-araw-araw na events ng Beijing Summer Games.
Iba-iba ang mga bagay sa Olimpiyada na tinutukoy nilang makapag-iiwan sa kanila ng malalim na impresyon pero nagkakaisa sila ng palagay na ang 2008 Beijing Olympics ay mahirap na matapatan o mapantayan ng mga susunod na Olympics.
Kung sa bagay, hindi lang sila ang may ganitong palagay; ganito rin ang palagay ng mga pamunuan ng International Olympic Committee at International Paralympic Committee at maging ng mga lider ng iba't ibang bansa. Naalala ko na ganito rin, more or less, ang sinabi ni dating Ispiker Jose de Venecia ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas.
Sa pag-uusap namin sa telepono noong isang araw, sinabi ni Chin Chin Fulgencio na hindi mabura-bura sa isip niya iyong methodology na ginamit ng Beijing sa paghahanda para sa Olympics. Napakahusay aniya ng methodology na ito dahil nakaranas ang bansa ng mga kalamidad sa panahong papalapit na ang Olympics pero hindi nakaapekto ang mga ito sa gawain ng paghahanda at fantastic pa aniya ang naging resulta.
"Ang talagang hindi ko makakalimutan ay iyong maayos na paghahanda ng Beijing lalo na noong ilang buwan na lang bago mag-Olympics. Matatandaang sinalubong ang China ng ilang kalamidad at pangyayaring naglagay ng sagabal sa ginagawang Olympic preparations pero nalusutan din nito lahat at naisagawa ang plano nito para sa fantastic opening ng Olympics."
Para naman kay Pomett Ann Sanchez ng Manila, marahil daw, kahit maraming taon ang magdaan pagkatapos ng Olympics, mananatili pa rin ang luntiang larawan ng Olympic sport venues sa kanyang isip. Para sa kanya, ito ay isang superyor na produkto ng imahinasyon ng malikhaing mamamayang Tsino at mahirap tularan sa mga susunod na Olimpiyada.
"Kahit matapos ang Olympics, hindi rin mawawala sa isip ko ang magandang larawan ng Olympic venues na tulad ng Bird's Nest, Olympic Village, makabagong gymnasiums at iba pang structures na sadyang itinayo para sa Olympics. Hindi ko alam kung matutularan ito sa mga susunod na Olympics."
Sabi naman ni Baby Rose Jimenes ng Manila, hindi raw niya makakalimutan ang performances ng mga manlalarong Tsino sa kasalukuyang Olympics. Ibang iba raw ang performances na ito sa paglalaro nila noon. Talagang doble raw ang galing ng mga Tsino ngayon kaya maaga pa ay nagsimula na silang humamig ng mga medalyang ginto.
"Sa tingin ko, magiging memorable ang Olympics na ito dahil iba ang paglalaro rito ng Chinese athletes. Maaga pa ay humamig na sila ng mga medalyang ginto. Nakita ko sa kanila ang kakaibang kasiglahan at malaking determinasyon na makapagbigay ng honor sa bansa."
Maraming-maraming salamat sa inyo, Chin Chin, Pomett at Baby.
Si Chin Chin ay isang university student at dalawang taon nang nakikinig sa Serbisyo Filipino. Si Pomett naman ay isang call center agent at pitong taon nang nakikinig sa Serbisyo Filipino. Si Baby Rose Jimenes naman ay nagpapatakbo ng isang restaurant sa Maynila at apat na taon nang nakikinig sa Serbisyo Filipino.
Tingnan naman natin kung ano ang mga nilalaman ng mga mensahe ng ating textmates.
Sabi ng 919 257 8451: "Mahuhusay ang Chinese players at talagang service de luxe ang Beijing sa kanyang mga bisita. Mabuhay Kayo!"
Sabi naman ng 0086 138 1140 9630: "Thanks sa inyong mga balita at Olympic results. You are keeping us anchored all the time!"
Sabi naman ng 0041 787 882 084: "Huwag kalilimutan ang apat na eight. It is worth keeping. Iyan ay tunay na masuwerteng number combination."
Sabi naman ng 0086 135 2023 4755: "Gusto ko ang attitude ng Chinese athletes They are a good sport. Ganyan sana ang maging attitude ng lahat ng manlalaro. Hindi lang medalya ang dapat habulin."
At sabi naman ng 0062 813 884 68991: "Binabati ko ang mga manlalarong Tsino. Maski sa Olympics, ipinakita nila ang kanilang pagiging makabayan."
Sabi ni KC Orioste ng Lumban, Laguna: "Talagang mapapalad ang mga nakarating ng Beijing. Sila ay kabahagi ng history in the making. Ang Beijing Summer Games ngayong taon ay hindi pangkaraniwang paligsahan. Ito ay espesyal na kompetisyon na magkakaroon ng espesyal na marka sa kasaysayan ng Olympics. Namalas ng buong mundo ang galing ng China sa pag-o-organize ng prestihiyosong international athletic competition, ang Chinese hospitality, ang mahabang history ng Chinese civilization at ang Olympics na may cutting-edge technology."
Sabi naman ni Blanca Cabral ng Cebu City: "Sana magkaroon tayo ng tunay na magagaling na players na sasabak sa mga susunod na Olympics. Panahon na para pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan ang Philippine sports at Filipino athletes."
At sabi naman ni Dr. George Medina ng Nakar, San Andres, Manila: "Ka Ramon, binabati ko kayong lahat diyan sa Beijing. Hindi lang iyong ceremony ng Olympics ang maganda. Maski iyong pagdadala ng host sa Olympics maganda rin. Kahit saan pumunta iyong mga foreigners may nakahandang magbigay ng assistance sa kanila. Maraming interpreters sa paligid at maraming volunteers na ready na magbigay ng tulong. Wala nang hahanapin pa ang isang dayuhang bisita sa Beijing. Hindi sila maliligaw at hindi sila malalansi ng sinuman. Unang linggo pa lang ng Olympics, alam ko na na ito ay isang malaking tagumpay."
Maraming salamat sa inyo KC, Blanca at Dr. George Medina at ganundin sa inyong lahat sa inyong walang-sawang pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|