Naka-iskedyul na ganapin sa Singapore mula ngayong araw hanggang ika-29 ng buwang ito ang ika-40 pulong ng Asean Economic Minister o AEM at ang isang serye ng mga may kinalamang pulong.
Sa nasabing miting ng AEM, tatalakayin ng mga kalahok na ministro kung papaanong maisasakatuparan ang kanilang pakay na itatag ang Asean Economic Community sa taong 2015 at malalimang susuriin din nila ang hinggil sa pagpapatupad sa Asean Economic Community Blueprint o AECB.
Ang AECB ay pinagtibay ng mga kasaping Asean sa ika-13 Asean Summit noong Nobyembre, taong 2007. Batay rito, bago mag-2015, itatatag ang nagkakaisang pamilihan at base ng produksyon sa loob ng Asean at sa ilalim nito, maisasakatuparan ang malayang paglabas-pasok ng mga paninda, serbisyo, puhunan at teknisyan at magiging higit pang malaya ang daloy ng kapital. Itinakda rin ng AECB ang apat na haliging bumubuo ng Asean Economic Community na kinabibilangan ng isang nagkakaisang pamilihan at base ng produksyon, isang sonang pangkabuhayan na may nakapalakas na kakayahang kompetetibo, isang sonang pangkabuhayang may balanseng pag-unlad at isang sonang nakikipagtugma sa kabuhayang pandaigdig.
Kasabay ng pulong ng AEM, magpupulong din ang 10 bansang Asean at ang kanilang mga dialogue partner na gaya ng Tsina, Hapon, Timog Korea, India, Awstraliya, New Zealand at Estados Unidos. Kabilang dito, ang Asean at Tsina ay magtatalakayan hinggil sa Asean-China Free Trade Area Investment Agreement.
Kapuwa umaasa ang Tsina at Asean na lumagda sa nabanggit na kasunduan sa lalong madaling panahon. Gustong samantalahin ng Tsina ang kasunduang ito para hikayatin ang mga bahay-kalakal na Tsino na pumasok sa pamilihang Asean samantalang inaasam naman ng Asean na sa pamamagitan ng kasunduan, madaragdagan ng panig Tsino ang pamumuhunan nito sa mga bansang Asean.
Pagkatapos ng nasabing mga pulong, idaraos din ang Pulong Ministeryal ng Asean-Mekong Basin Development Cooperation o AMBDC. Sinimulang ganapin ang pulong na ito noong taong 1996 at ang 10 bansang Asean at Tsina ay nagsisilbing pangunahing kasapi ng mekanismong kooperatibong ito. Sa ika-8 Pulong Ministeryal ng AMBDC noong taong 2006, nagkasundo ang mga kalahok na sisimulang itatag ang 5500-kilometrong Pan Asia Railway na mag-uugnay ng Tsina at 7 bansang Asean at inaasahang matapos ang daambakal bago mag-2015.
|