Nagtagpo noong Huwebes sa Maynila sina Song Tao, embahador ng Tsina sa Pilipinas at Reynato Puno, punong mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas. Sa pagtatagpo, sinabi ni Puno na nitong ilang taong nakalipas, lumalalim ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa kabuhayan, kalakalan, kultura, turismo at mga iba pang larangan. Anya, ang ibayo pang pagpapalakas ng pagpapalitan at pagtutulungan ng sistemang hudisyal ng dalawang bansa ay makakabuti hindi lamang sa pagpapalakas ng pag-uunawaan at pagtitiwalaan ng dalawang bansa, kundi rin sa kooperasyon ng dalawang bansa. Sinang-ayunan ni Song ang palagay ni Puno. Sinabi niyang dapat palakasin ng sistemang hudisyal ng Tsina at Pilipinas ang pagpapalitan at pagtutulungan para makapag-bigay ng mas malaking ambag para sa kasaganaan at katatagan ng kani-kanilang bansa. Ipinahayag din niya ang kahandaang pasulungin, kasama ng panig Pilipino, ang pagpapalitan at pagtutulungan ng sistemang hudisyal ng dalawang bansa.
Nakipagtagpo noong Araw ng Linggo sa Beijing si Xi Jinping, Pangalawang Pangulo ng Tsina, sa kanyang counterpart na Indones na si Yusuf Kalla na dadalo sa seremonya ng pagpipinid ng Beijing Olympic Games. Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Xi na nakahanda ang kaniyang bansa na magkasamang magsikap, kasama ng Indonesiya, para walang humpay na mapasulong ang estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa at bigyan ng bagong ambag ang kapayapaan at kaunlaran ng rehiyong ito at daigdig. Binati ni Kalla ang lubos na tagumpay ng Olimpiyadang ito at tinukoy niyang ito ay karangalan ng mga mamamayang Asyano.
Sa kanyang paglahok sa ika-29 na pulong ng ASEAN Inter-Parliamentary Assemly o AIPA na binuksan noong Miyerkules sa Singapore, sinabi ni Zha Peixin, pangalawang direktor ng lupon sa suliraning panlabas ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina, na pinananatili ng NPC, AIPA at parliamento ng mga bansang Asean ang mahigpit na pag-uugnayan at mapangkaibigang pagpapalagayan, bagay na nagpapatingkad ng mahalagang papel para sa pagpapalakas ng pagkakaibigang pangkapitbansaan at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan. Umaasa anya siyang patuloy na mapapalawak ang pagpapalita't pagtutulungan upang maisakatuparan ang win-win situation. Sinabi ni Zha na kumakatig ang Tsina, tulad ng dati, sa integrasyon ng Asean at pagtatatag ng Asean Community, at sa pagpapatingkad ng Asean ng namumunong papel sa kooperasyon ng Silangang Asya. Ipinahayag pa niyang noong isang taon, natamo ng kooperasyon ng Tsina't Asean ang bagong progreso, mainam ang tunguhin ng pagpapalagayan sa iba't ibang antas at walang humpay na lumalakas ang estratehikong partnership. Anya, dapat ibayo pang palakasin ng Tsina't mga bansang Asean ang pagkakaisa at kooperasyon, komprehensibong ipatupad ang plano ng aksyon ng magkasanib na pahayag hinggil sa estratihikong partnership ng dalawang panig at buong sikap na bawasan ang di-paborableng elementong dulot ng pagbagal ng pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig.
Isiniwalat sa Nanning noong Martes ng Sekretaryat ng China-ASEAN Expo na mula ika-22 hanggang ika-25 ng darating na Oktubre, idaraos sa Nanning sa katimugan ng Tsina ang ika-5 China-ASEAN Expo. Sa panahong iyon, dadalo sa ekspong ito ang maraming personahe na galing sa sirkulong pulitikal at komersyal ng mga bansa.
|