Nang makipagtagpo noong Araw ng Linggo sa Tianjin kay Goh Chok Tong, senior minister ng Singapore, ipinahayag ni premyer Wen Jiabao ng Tsina ang pag-asang mapapalakas ng kapuwa panig ang koordinasyon para maigarantiya ang tagumpay ng kanilang proyekto ng Tianjin ecological city. Sinabi ni Wen na ang pagtatayo ng naturang ecological city ay mahalagang hakbangin ng Tsina't Singapore para sa magkasamang pagharap sa pagbabago ng klima at pagsasakatuparan ng sustenableng pag-unlad at mahalaga ang papel nito bilang halimbawa. Anya pa, nakahanda ang panig Tsino na palakasin ang kooperasyon nila ng panig Singaporean sa pagsasanay ng talento. Ipinahayag naman ni Goh ang kahandaan ng Singapore na ibayo pang palakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa eduksyon, pagsasanay ng talento at iba pang larangan at mas malalimang pasulungin ang kanilang kooperasyon. Pagkatapos ng pagtatagpo, magkasamang dumalo sina Wen at Goh sa seremonya ng pagsisimula ng proyekto ng Tianjin ecological city.
Nauna rito, nakipagtagpo noong Huwebes sa Beijing kay Goh Chok Tong si Li Yuanchao, minitro ng Departamento ng Pag-oorganisa ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina. Ipinahayag ni Li na nitong ilang araw na nakalipas, mabilis na umuunlad ang relasyon ng Tsina at Singapore, mabunga ang kanilang mekanismong pangkooperasyon at mainam ang koordinasyon ng dalawang bansa sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig. Anya, ang kooperasyon ng dalawang bansa sa Suzhou Industrial Park at Tianjin Ecological City ay positibong nagpapasulong ng kanilang relasyon. Umaasa rin siyang ibayo pang palalakasin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa pagsasanay ng talento at pasusulungin ang pagpapalitan ng mga kabataan para makapagbigay ng mas malaking ambag sa pag-unlad ng kanilang bilateral na relasyon. Ipinahayag naman ni Goh ang kahandaang gumawa ng mas maraming pagsisikap para mapalakas ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Sa panahon ng kanyang pagdalo sa ika-63 pangkalahatang asembleya ng UN, nakipagtagpo noong Biyernes si ministrong panlabas Yang Jiechi ng Tsina sa kanyang counterpart na Indones na si Hassan Wirayuda. Ipinahayag ni Yang na nakahanda ang panig Tsino, kasama ng panig Indones, na mabuting ipatupad ang kanilang mga mahalagang proyekto sa enerhiya, imprastruktura at iba pang larangan at walang humpay na palalimin ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang panig sa iba't ibang larangan. Binigyan naman ni Hassan ng positibong pagtasa ang pag-unlad ng relasyong Sino-Indones at ipinahayag niya ang kahandaang palakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mga isyung panrehiyo't pandaigdig at ibayo pang pataasin ang lebel ng kanilang estratehikong partnership.
Nakipagtagpo noong Huwebes sa Beijing si Dai Bingguo, kasangguni ng estado ng Tsina, kay Vu Dzung, pangalawang ministrong panlabas ng Biyetnam. Binigyang-diin ni Dai na ang kapasiyahan ng mga lider ng Tsina at Biyetnam na itatag ang komprehensibo at estratehikong partnership na pangkooperasyon ng dalawang bansa ay nagdulot ng bagong pagkakataon sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Nakahanda anya ang panig Tsino na magsikap, kasama ng panig Biyetnames, para mapasulong ang malusog at matatag na kaunlaran ng relasyon ng dalawang bansa. Nauna rito, nakipag-usap naman kay Vu si pangalawang ministrong panlabas Wu Dawei ng Tsina.
Napag-alaman noong isang linggo ng mamamahayag mula sa seremonya ng pagsisimula ng 30-araw na countdown ng ika-5 China ASEAN Expo o CAEXPO na, ayon sa inisiyal na estadistika, sa panahon ng ekspong ito, idaraos ang 15 porum sa mataas na antas at ang bilang na ito ay pinakamalaki sa kasaysayan ng ekspong ito. Ang pangunahing paksa ng kasalukuyang ekspo ay kooperasyon sa impormasyon at tele-komunikasyon. Sa panahon ng ekspo, idaraos ang ikatalong linggo ng tele-komunikasyon ng Tsina at ASEAN at porum ng mga ministro sa impormasyon at telekomunikasyon ng Tsina at ASEAN. Bukod dito, idaraos naman ang round table meeting ng organong nagpapasulong ng pamumuhunan ng Asia-Europe Meeting, pulong ng mga ministrong pampahayagan ng Tsina at ASEAN, ikalawang porum sa pagpapaunlad ng lipunan at pagbabawas ng kahirapan ng Tsina at ASEAN at iba pang aktibidad sa mataas na antas.
|