Ang Fuding ay isang maliit na lunsod sa gawing hilaga ng lalawigang Fujian, sa katimugang baybayin ng Tsina. Ito ay 299 na kilometro sa hilaga ng Fuzhou, ang kapital ng lalawigan, at sa silangan naman nito na inihihiwalay rito ng dagat ay ang Chilun ng Taiwan. Ang lunsod na ito na may walang katulad na tanawin at makukulay na "folklore" ay magneto sa mga turista.
Ang Tailao Mountain Scenic Area na 58 kilometro sa hilaga ng kalunsuran ng Fuding ay napapaligiran ng dagat sa tatlong gilid at ng bundok naman sa isang gilid. Matatagpuan sa matanawing purok na ito ang mga may kakaibang hugis na malaking bato at kuweba at mga taluktok na nababalutan ng makakapal na ulap. Ang ibang kuweba ay nakakaabot hanggang doon mismo sa baybay-dagat at nagkakaloob ng magandang tagpo para pagmasdan ang malalaking alon ng karagatan, samantalang ang iba naman ay nakakapanik hanggang doon sa ituktok ng bundok, isang katangi-tanging angkop na lugar para maupo at hangaan ang pagsikat ng araw. Ang iba namang kuweba ay maliit, meron lamang lugar para sa iilang tao, samantalang ang iba ay may sapat na laki para pagkasyahan ng isang libo. Ang ibang malalaking kuweba ay may maliliit na kuweba na nangunguna sa kanila kaya't bumubuo ng isang labyrinth.
Maaring ituring ng mga bumibisita sa Fuding na kaakit-akit ang pagdalaw sa She Communal Village. Maari nilang makita ang mga babaeng She na nakasuot ng kanilang makukulay na katutubong kasuutan at abala sa trabaho. Kung papalarin, maoobserbahan din nila ang mga may edad nang babae na gumagamit ng lumang istilong habihan sa paghahabi ng tela. Ang babaeng She ay masasabing may asawa o dalaga sa pamamagitan ng istilo ng kanyang buhok o hikaw. Ang lahing She ay maibigin din sa pag-awit at umaawit sila habang nagtatrabaho, habang sumasalubong sa mga bisita at kung nagdaraos ng mga rituwal ng pag-aalay ng sakripisyo.
Ang Fuding ay nakakaakit ng mga bisita hindi lamang dahil sa mga walang katulad nitong tanawin kundi dahil na rin sa mga espesyal na lutuin ng mga taga-rito. Ang isang halimbawa ay ang "binlang" o "sweet potatoes" na pagkaraang maluto at mamasa ay naisisilbing masarap na panghimagas. Ang isa pa ay ang Shiji grapefruit na isang klase ng prutas na madalas itampok sa mga bangketeng pang-estado. Ngunit para sa mga turista, mas nakakatuwa ang pagtikim sa mga pagkain na isinisilbi sa mga puwesto sa tabing-daan. Ang pinaka-popular na snacks ay kinabibilangan ng beef meatball soup, dumpling soup at sweet cake na gawa sa malagkit.
Sa pagpunta ninyo sa Fuding, ang mairirikomendang hotel ay ang Jingsheng Grand Hotel, Haixing Grand Hotel at Fuding Grand Hotel na lahat ay nasa lunsod na ito.
|