Nakipagtagpo noong Lunes sa Beijing si Li Keqiang, pangalawang premiyer Tsino, kay Teo Chee Hean, ministrong pandepensa ng Singapore. Sinabi ni Li na sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Singapore, nananatiling mainam ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Mabunga-bunga ang kanilang kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, konstruksyon ng lunsod, pagtitipid ng enerhiya, pangangalaga sa kapaligiran at iba pang larangan. Ipinahayag naman ni Tteo Chee Hean na nakahanda ang kanyang bansa na ibayo pang palalimin at palawakin ang pangkaibigang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan nila ng Tsina. Nang araw ring iyon, nakipagtagpo rin kay Teo si Liang Guanglie, ministro ng tanggulan ng Tsina at nagpalitan sila ng mga palagay tungkol sa relasyon ng dalawang hukbo at iba pang isyung kapuwa nila pinahahalagahan. Sinabi ni Liang na nitong ilang taong nakalipas, mabilis na umunlad ang relasyon ng mga hukbo ng Tsina at Singapore, mabunga-bunga ang kanilang kooperasyon sa iba't ibang larangan. Sinabi naman ni Teo na umaasang mapapanatili ang kasalukuyang mainam na tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang panig, walang humpay na mapapalakas ang pagtitiwalaan, mapapasulong ang relasyon ng mga hukbo ng dalawang bansa.
Mula Miyerkules hanggang Sabado ng linggong ito, idaraos sa Lunsod ng Nanning ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina ang ika-5 China-ASEAN Expo. Ipinahayag ng isang may kinalamang opisyal na magsisikap para maging isang mahalagang plataporma ang ekspong ito para sa pagpapalalim ng pagpapalitan, pagpapalawak ng pagtutulungan at paghahanap ng komong pag-unlad ng dalawang panig. Ang minsan sa isang taong China-ASEAN Expo na idinaos mula noong 2004, ay sa mula't mula pa'y sinisikap para maging pinakamagandang plataporma ng pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at ASEAN. Ipinatalastas ng sekretaryat ng CAexpo ang 8 hakbangin at serbisyo para pasimplehin at bigyang-ginhawa ang pag-uusap at transaksyon ng mga kalahok na negosyanteng Tsino at dayuhan.
Ipinahayag noong Biyernes sa Beijing ni Nguyen Vinh Quang, embahador ng Biyetnam sa Tsina, na ang pagdalaw ni punong ministro Nguyen Tan Dung ng kanyang bansa sa Tsina ay magsasakongkreto sa nilalaman ng komprehensibo at estratehikong partnership ng 2 bansa at magpapataas sa bagong antas ang kanilang relasyon. Sa paanyaya ni premiyer Wen Jiabao ng Tsina, opisyal na dadalaw sa Tsina si Nguyen mula ika-20 hanggang ika-25 ng buwang ito at dadalo rin sa ika-7 summit ng Asia-Europe Meeting na idaraos sa Beijing. Sa panahon ng pagdalaw, katatagpuin siya ng mga lider na Tsino at lalagdaan ng dalawang panig ang mga magkasanib na dokumento. Bukod dito, dadalaw rin siya sa Lalawigang Hainan sa timog Tsina. Ito ang kauna-unahang opisyal na pagdalaw sa Tsina ni Nguyen sapul nang manungkulan siya sa kasalukuyang posisyon noong 2006.
|