Ang Jinping County ay matatagpuan sa dakong timog ng Lalawigang Yunnan ng Tsina na kahangga ng Biyetnam. Sa artikulong ito, sasamahan ninyo ako sa isang nayong Tsino roon na kahangga ng Biyetnam.
Puntahan muna natin ang boundary tablet. Sa ibaba ng pambansang watawat ng Tsina, nakatayo ang batong tabletang inukitan ng titik na Tsino na "China 62 (1)". Sa kabilang dako naman, nakikita ang isang hanay ng bahay na dilaw sa kalagitnaan ng bundok na nagsisilbing border check point ng Biyetnam at sa harap ng mga bahay, nakawagayway ang pambansang watawat ng Biyetnam. Sa boundary tablet ay may nakasulat na titik na "Vietnam 62 (2)".
Sa likod ng boundary tablet ng Tsina ay may isang ilog na tahimik na umaagos at hanggang doon, ang ilog na ito ay nagsisilbing hanggahan ng Tsina at Biyetnam. Isang simpleng tulay na bakal na wala pang 4 na metro ang lapad ay nakatayo sa ibabaw ng ilog. Ayon sa salaysay, sa pamamagitan ng tulay na ito, nag-uugnay ang mga residenteng lokal ng Tsina at Biyetnam.
Kaugnay ng mga residente ng nayon, ganito ang sinabi ng isa sa mga taga-nayon na si G. Gao Hai.
"Ang higit na nakakaraming residente ng aming nayon ay kabilang sa lahing Hani, at ang mga residente sa kahanggang nayon ng Biyetnam ay kabilang din sa lahing Hani. Magkatulad ang aming kasuutan, wika, kaugalian at piyesta. Maraming kamag-anakan sa kahanggang nayon na kinabibilangan ng aking tiyo."
Bawat 12 araw, may regular na perya sa hanggahang Sino-Biyetnames. Ganito ang tinuran ni G. Gao.
"Kapag may perya, sa kabuuan, may 6 o 7 daang tao mula sa Tsina at Biyetnam na nagtitipun-tipon. Mataong matao na nahihirapang gumalaw. May dalang mais at kasaba ang mga Biyetnames at pagkaraang magbenta sila ng mga dalang bagay, bibili sila ng mga pang-araw-araw na kagamitan at uuwi."
Ayon kay Gao, ang higit na nakararaming residente ng kanyang nayon ay nagsasagawa ng negosyo sa perya at sa pagbebenta ng mga pang-araw-araw na kagamitan sa perya, sa pagtatanim ng saging at kasaba at pagbababuyan, nakakaabot sa 30 libong Yuan o 4.3 libong dolyares ang netong kita ng kanyang pamilya bawat taon.
Salamat sa pagkakalakalan sa hanggahan, maraming mamamayang Tsino at Biyetnames ang yumayaman. Ang mga residente sa paligid ay pumaparoon din sa perya at sa perya, kapuwa nagagamit ang RMB at Vietnam Dong. Maalwan din ang pagpapalitan ng mga tao sa perya sa iba't ibang lingguwahe na gaya ng Chinese dialect, wikang Biyetnames at wika ng lahing Hani.
Kaugnay ng kanyang harangin, ganito ang sinabi ni G. Gao.
"Ang pinakamalaking hangarin namin ang pagpapalawak pa ng peryang ito at kung gayon, mas maraming Tsino at Biyetnames ang paparito."
Katulad ang hangarin ni G. A Sa, isa sa mga Biyetnames na nakikipagkalakalan sa perya sa mga Tsino.
"Di-kukulangin dalawang beses na nagkakalakalan ako sa peryang ito bawat taon at sa tag-ani, mga 10 beses naman ako pumaparito sa hanggahan sa pagkakalakalan. Kasabay ng pag-unlad ng Tsina't Biyetnam at pagyaman ng mga mamamayan, isusulong din ang peryang ito."
Maraming ginagawa ang panig Tsino para mapasulong ang pagiging katuparan ng nasabing hangarin ng mga mamamayan ng Tsina't Biyetnam. Halimbawa, regular na nagpapadala ang pamahalaang lokal ng mga dalubhasa sa nayon para mabigyan ng pagsasanay sa pagtatanim at pagnenegosyo ang mga mamamayan. Pagpasok ng taong ito, nag-inspeksyon sa perya ang pamahalaang lokal at ipinasiyang palawakin pa ang pagkakalakalan sa hanggahan ng mga mamamayang Tsino at mamamayang Biyetnames.
|