Mula ngayong araw hanggang ika-17 ng buwang ito, magsasagawa si pangulong Hu Jintao ng Tsina ng dalaw na pang-estado sa limang bansa ng Asya at Aprika na kinabibilangan ng Saudi Arabia, Mali, Senegal, Tanzania at Mauritius. Pawang ipinahayag ng mga bansang ito ang pananabik sa pagdalaw na ito.
Ipinahayag kamakailan ni Yahya abdulkareem Saleh Alzaid, embahador ng Saudi Arabia sa Tsina, na komprehensibong umuunlad ang relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng Saudi Arabia at Tsina. Nananalig anya siyang ang pagdalaw ni pangulong Hu Jintao ng Tsina sa Saudi Arabia ay magdudulot ng positibong epekto sa ibayo pang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Tinukoy din niyang malawak ang espasyo at malakas ang potensiya ng kooperasyon ng Saudi Arabi at Tsina sa iba't ibang larangan at lubos na pinahahalagahan ng Saudi Arabia ang pagpapaunlad ng relasyon nila ng Tsina.
Ipinahayag kamakailan ni Papa Khalilou Fall, embahador ng Senegal sa Tsina, na ang gagawing pagdalaw ni pangulong Hu Jintao ng Tsina sa kanyang bansa ay isang biyaheng pangkaibigan. Sinabi ni Fall na ang pagdalaw na ito ay isang mahalagang pagkakataon para ibayo pang mapasulong ang relasyon ng dalawang bansa. Binigyang-diin din niyang mahalagang mahalaga ang pamumuhunan ng Tsina sa Senegal.
Kaugnay ng gagawing pagdalaw ni pangulong Hu Jintao ng Tsina sa Tanzania, kauna-unahang pagdalaw ng puno ng estado ng Tsina sa bansang ito nitong 45 taong nakalipas, ipinahayag kamakailan ni Liu Xinsheng, embahador na Tsino sa Tanzania, na ang pagdalaw na ito ay magiging muhon sa kasaysayan ng relasyon ng dalawang bansa. Sinabi ni Liu na mainam na umuunlad ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Tanzania at ipinalalagay niyang ang pagdalaw na ito ay ibayo pang magpapasulong ng relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Sinabi kamakailan ni Paul Chong Leung, embahador ng Mauritius sa Tsina, na lipos ng pananabik ang kanyang bansa sa pagdalaw ni pangulong Hu Jintao ng Tsina at nananalig siyang magpapasulong ito ng pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa. Ipinahayag din ni Chong na nitong ilang taong nakalipas, natamo ng dalawang bansa ang kasiya-siyang bunga sa kanilang kooperasyon sa kabuhaya, teknolohiya, kultura, palakasan at mga iba pang larangan.
|