Natapos kahapon ni Pangulong Hu Jintao ng Tsina ang kanyang 5 bansang biyahe sa Saudi Arabia, Mali, Senegal, Tanzania at Mauritius. Sa panayam ng CRI, sinabi ni Yang Jiechi, Ministrong Panlabas ng Tsina at isa sa mga entorahe ni Pangulong Hu, na ang katatapos na pagdalaw ay isang mahalagang aktibidad na diplomatiko ng Tsina para mapahigpit ang relasyon nila ng mga umuunlad na bansa sa ilalim ng bagong situwasyong pandaigdig at masasabi itong mabunga.
May nagaganap na malalim na pagbabago ang kasalukuyang pandaigdigang kalagayang pulitikal at ekonomiko at lumilitaw rin ang idinudulot na negatibong epekto ng palalang pandaigdigang krisis na pinansyal sa mga umuunlad na bansa. Ang kasalukuyang taon naman ay ang huling taon sa pagpapatupad ng mga natamong bunga ng Beijing Summit ng Porum na Pangkooperasyong Sino-Aprikano noong taong 2006. Napatatag at napalalim ng katatapos na pagdalaw ni Pangulong Hu ang kooperatibong relasyong pangkaibigan ng Tsina at mga bansang Aprikano at gayundin ang pagkakaibigan ng mga mamamayang Tsino at Aprikano.
Napag-alamang mahigpit ang itineraryo ng pagbisita ni Pangulong Hu at sa loob ng 7 araw, mahigit 50 aktibidad ang nilahukan niya. Ang mga konkretong natamong bunga ng kanyang katatapos na biyahe ay ang mga sumusunod:
Una, narating ng mga may kinalamang panig ang komong palagay pagdating sa magkakasamang pagharap sa kasalukuyang pandaigdigang krisis na pinansyal. Sa iba't ibang okasyon sa kanyang pagdalaw, komprehensibong inilahad ni Pangulong Hu ang paninindigan ng panig Tsino bilang tugon sa krisis na pinansyal at ipinahayag din niya ang kahandaan ng panig Tsino na pahigpitin ang pakikipagtutulungan nito sa komunidad ng daigdig na kinabibilangan ng mga umuunlad na bansa. Ipinahayag din ni Pangulong Hu ang suporta ng Tsina sa pagpapatingkad ng representasyon at karapatan sa pagsasalita ng mga umuunlad na bansa sa mga pandaigdigang institusyong pinansyal at nanawagan din ang Tsina sa komunidad ng daigdig na aktwal na tulungan ang mga umuunlad na bansa, lalung lalo na ang mga bansang Aprikano, sa paghulagpos sa kahirapan. Solemnang ipinangako rin ni Pangulong Hu na seryosohang ipatupad ng panig Tsino ang mga proyekto bilang suporta sa mga bansang Aprikano na narating nila sa nasabing Beijing Summit. Ipinangako rin ng panig Tsino na dagdagan ang tulong sa Aprika, bawasan o kanselahin ang utang ng mga bansang Aprikano, palawakin ang pakikipagkalakalan at pamumuhunan sa Aprika at pahigpitin ang pragmatikong pagtutulungang Sino-Aprikano.
Ikalawa, naiangat ng katatapos na pagdalaw ang relasyon ng Tsina at limang dinalaw na bansa.
Ikatlo, ang lahat ng limang binisitang bansa ay umuunlad na bansa. Napalalim ng katatapos na pagdalaw ang pagtutululngan ng Tsina't limang bansang Asyano at Aprikano sa iba't ibang aspekto. Sa pananatili ni Pangulong Hu sa mga dinalaw na bansa, mahigit 20 kooperatibong dokumento ang nalagdaan ng Tsina at limang bansa sa aspekto ng kabuhayan, kalakalan, puhunan, enerhiya, pagsusuri sa kalidad, kalinisan at kalusugan, kultura at impraestruktura. Sa kanyang biyahe sa Aprika, ininspeksyunan din ni Pangulong Hu ang mga proyekto na nasa suporta ng panig Tsino.
Bilang panapos, nakakita ang katatapos na pagdalaw ni Pangulong Hu ng lumalalim na pagkakaibigan ng Tsina at Saudi Arabia at pagkakaibigan ng Tsina at mga bansang Aprikano.
|