Ayon sa pinakahuling datos na ipinalabas ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, nitong unang dalawang buwang nakalipas ng taong ito, bumaba nang 26% ang aktuwal na nagamit na pondong dayuhan ng Tsina kumpara sa gayunding panahon ng taong 2008. Ayon sa nasabing ministring Tsino, ang isa sa mga pangunahing dahilan dito ay humihina ang kahandaan at kakayahan ng mga multinasyonal na bahay-kalakal sa pamumuhunan sa ibayong dagat bunsod ng kasalukuyang pandaigdigang krisis na pinansyal.
Kaugnay nito, ganito ang sinabi ni Yao Jian, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina.
"Ayon sa datos ng UN, noong taong 2008, ang direktang puhunang dayuhan o FDI ay bumagsak nang 21% kumpara sa taong 2007 at tinatayang bababa pa nang 30% ang FDI sa taong ito. Apektado nito ang Tsina. Gayunpaman, ayon sa pinakahuling survey ng United States-China Business Council o USCBC sa mga bahay-kalakal na dayuhan na may puhunan sa Tsina, 88% ng mga respondent ang umaani ng tubo sa Tsina, 81% ng mga respondent ang nakakakuha ng mas mataas na tubo kaysa kanilang karaniwang tubo sa daigdig at 85% ng mga respondent naman ang nagtatakda ng Tsina bilang first choice ng kanilang negosyo sa ibayong dagat."
Binigyang-diin ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na upang papasukin ang higit pang maraming puhunang dayuhan, kung hindi tataas sa 100 milyong dolyares ang rehistradong pondo ng isang bahay-kalakal na dayuhan, sa halip ng pag-aapruba ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, aaprubahan lamang ito ng kawanihan ng komersyo ng lugar ng rehistrasyon ng bahay-kalakal. Hinihikayat din ng Tsina ang mga bahay-kalakal na dayuhan na mamuhunan sa high-tech industry, industriya ng pagtitipid sa enerhiya at pangangalaga sa kapaligiran at makabagong serbisyo.
Ipinalalagay naman ni G. Su Chang, punong ekonomista mula sa China Economic Business Monitor, isang independent research organ na, kung isasaanib ng mga bahay-kalakal na dayuhan ang kanilang pamumuhunan sa pagsasaayos ng estrukturang pangkabuhayan ng Tsina, makakalikha ito ng win-win situation. Ipinaliwanag pa niya na:
"Halimbawa, pagkaraang sarhan ng Foxconn, higante sa electronics, ang ilang pabrika sa Shenzhen, lunsod sa dakong silangan ng Tsina, binuksan nito ang bagong pabrika sa dakong kanluran ng bansa. Ang Intel naman ay naglipat na rin ng kanyang pabrika ng chips sa lunsod ng Chengdu sa dakong timog-kanluran ng Tsina mula sa Shanghai. Ito ay hindi lamang kumukumporme sa estratehiya ng Tsina ng pagpapaulad ng dakong kanluran ng bansa, makakatulong din ito sa pag-unlad ng mga multinasyonal na bahay-kalakal."
Inanalisa rin ni G. Su ang mga bentahe ng Tsina para sa mga puhunang dayuhan.
"Mababa ang halaga ng lakas-manggagawa ng Tsina at nakakatulong ito sa pagpapababa ng halaga ng operasyon ng mga bahay-kalakal at bukod dito, nananatili pa ring malaki ang pamilihang Tsino."
|