Pagkaraan ng taglamig, sinalubong ng mga estudyante mula sa Leigu Middle School ng Beichuan County ang unang tagsibol sapul nang yanigin ang lugar ng super-lindol noong ika-12, Mayo ng taong 2008. Nag-aaral pa rin ang mga estudyante sa mga pansamantalang silid-aralan, pero, sa kampus, madalas na naririnig ang tawa ng mga bata. Kasabay ng muling pagdating ng tagsibol, ang maningning na ngiti ay bumalik din sa kampus.
Para sa mga estudyante, ang pinakapopular na kurso ang psychotherapy. Pero, walang eksam ang kursong ito at labis na nagugustuhan ng mga estudyante ang mga interactive activities sa kurso sa patnubay ng mga psycho-counselor.
Hindi malayo sa pansamantalang silid-aralan, nasa rekonstruksyon ang mga school building. Pero, para sa mga guro, mas mahalaga ang psycho-rehabilitation kaysa sa rekonstruksyon ng mga pasilidad. Upang muling dumagundong sa kampus ang tawa ng mga estudyante, nagpupunyagi ang mga guro at iba't ibang saray ng lipunan ng Tsina, maging ang komunidad ng daigdig ay nag-aalay ng tulong.
Nitong nagdaang Enero, sa paanyaya ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, bumisita sa Pilipinas ang sandaang estudyante mula sa nilindol na Sichuan. Maraming idinulot na sorpresa at kaligayahan para sa mga batang Tsino ang kanilang kahanga-hangang biyahe sa Pinas.
Ganito ang sinabi ni Li Qingyang, isa sa mga batang Tsino.
"Sa kauna-unahang pagkakataon, nakakita ako ng dagat. Excited na excited ako. Tumitili ako sa dalampasigan at nangongolekta rin ako ng maraming kabibi."
Para naman kay Dengli mula sa Leigu Middle School, ang pinakapaborito niyang tanawin ang Chocolate Hills.
"Akala ko'y ang Chocolate Hill ay tatak ng tsokolate at hindi ko inaasahan na may burol sa kulay-tsokolate."
Sa Pilipinas, ang kaligayahan ng mga batang Tsino ay hindi lamang nanggaling sa magagandang tanawin, kundi maging sa sigasig at hospitality ng mga mamamayang Pilipino. Ganito ang sinabi ni Deng Li.
"Marubdob na marubdob ang mga Pinoy. Sa aming biyahe, maraming Pinoy ay kumamay at bumati sa amin at nakipag-halubilo din sila sa amin para pasayahin kami."
Sa Leigu Middle School ng Beichuan County, 15 estudyante ay kabilang sa nasabing sandaang batang bumisita sa Pilipinas. Ganito ang sinabi ng kanilang guro na si Gui Zhengyun.
"Huminahon ang kalooban ng mga bata. Ang biyahe sa Pilipinas ay nagpapayaman ng kanilang buhay at nagpapalawak din ng kanilang kamulatan. Sinabi nila sa akin na buong-sipag pang mag-aaral sila."
Napag-alamang maliban sa Pilipinas, mayroon ding mga estudyanteng taga-nilindol na Sichuan na inanyayahan o aanyayahang bumisita sa Rusya, Bulgaria, Hungary, Estados Unidos at iba pang bansa. Ang ibinibigay na tulong ng komunidad ng daigdig sa mga batang apektado ng super-lindol ay parang ihip ng hangin sa tagsibol ay nagpapainit ng kalooban ng mga bata.
|