Nakatakdang ganapin samakalawa sa London ang ikalawang G-20 Summit sa Pinansya. Ipinahayag kamakailan ni Gordon Brown, Punong Minisitro ng Britanya, na makabuluhan ang paglahok ng Tsina sa idaraos na summit.
Tulad ng iba pang mga bansa, marubdob din ang pananabik ng Tsina sa pulong ito. Ganito ang sinabi ni G. He Yafei, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina.
"Una, dapat makatuon sa hinaharap ang iba't ibang lalahok sa summit para muling mapasigla ang kompiyansa ng mga mamimili. Ikalawa, dapat patuloy na pasulungin ang mga stimulus package ng iba't ibang bansa. Ikatlo, dapat patingkarin ang representasyon at karapatan sa pagsasalita ng emerging markets at mga umuunlad na bansa sa reporma sa mga pandaigdigang organong pinansyal at dapat ding itakda ang malinaw na roadmap at timetable para sa nasabing reporma. Ikaapat, dapat buong tatag na tutulan ang proteksyonismong pangkalakalan at pasulungin ang Doha Round ng talastasan. Ikalima, pahalagahan ang isyu ng kaunlaran at hindi dapat bawasan ang suporta sa mga umuunlad na bansa dahil sa krisis na pinansyal."
Kaugnay ng gagampanang papel ng Tsina sa gaganaping summit, ganito ang palagay ni G. Zhang Shengjun, dalubhasang Tsino sa mga isyung pandaigdig.
"Sa tingin ko, sa idaraos na summit, ang Tsina ay gaganap ng konstruktibong papel sa pagpapasulong ng koordinasyon ng iba't ibang bansa sa patakaran ng macro-economy para magkakasamang malampasan ang kasalukuyang kahirapan."
Iminungkahi rin kamakailan ng panig Tsino na lilikha ng isang super-sovereign reserve currency, bagay na nakatanggap ng suporta mula sa Rusya, Brazil at International Monetary Fund. Tungkol dito, ganito ang koment ni G. Han Fuling, dalubhasang Tsino sa mga isyung pinansyal.
"Kasabay ng paglakas ng Tsina sa kabuhayan, nagsimula nang magtakda ng mga alituntunin sa halip ng nagsisilbing lamang tagalahok. Halos 2 trilyong dolyares ang reserbang salaping banyaga ng Tsina na nangunguna sa daigdig. Upang mapangalagaan ang sariling interes at mapasulong ang pandaigdigang sistema ng pananalapi, dapat magparinig ng sariling boses ang Tsina."
Meron ding mga bansang kanluranin na nagpahayag ng kanilang pag-asang magbibigay ang Tsina ng higit pang malaking ambag para sa daigdig na gaya ng pagpapaibayo ng ibubuhos na pondo sa IMF. Sa puntong ito, ganito ang tinuran ni G. Zhang Shengjun, dalubhasang Tsino sa mga isyung pandaigdig.
"Kaugnay ng isyu kung gaano kalaki ang gagampanang papel ng Tsina sa pagharap sa kasalukuyang krisis na pinansyal, sa tingin ko, dapat isaalang-alang ang aktwal na lakas ng Tsina at walang kakayahan ang Tsina sa pagsagip sa buong mundo."
Tulad ng sinabi ni Premyer Wen Jiabao ng Tsina, buong-sikap na hinahawakan at hahawakan ng Tsina ang mga sariling isyu at ito ang ibinibigay na ambag ng Tsina para sa buong mundo.
|