Ipinahayag kamakailan ng mga opisyal ng International Olympic Committee o IOC at mga estadista ng iba't ibang bansa ang kanilang pagtutol sa pagsasapulitika ng Beijing Olympic Games at pagboykot dito.
Binigyang-diin kamakalawa sa Singapore ni pangulong Jacques Rogge ng IOC na ang pagbibigay ng awtorisasyon ng paghohost ng Olympic Games sa Beijing ay isang matalinong kapasiyahan at ikinasisiya niya ang mga gawain ng paghahanda ng Lupong Tagapag-organisa ng Beijing Olympic Games. Ipinahayag ni Hein Verbruggen, tagapangulo ng komisyong tagapagkoordina ng IOC para sa Beijing Olympic Games na buong tindi niyang tinututulan ang pagsasapulitika ng Beijing Olympic Games. Ipinahayag naman ni Juan Antonio Samaranch, pangulong pandangal ng IOC na ang isyu ng Tibet ay isang isyung pulitikal na walang kinalaman sa palakasan.
Nang salubungin ang Beijing Olympic flame sa London, binigyang-diin ni Olympics Minister Tessa Jowell ng Britanya na ipinalalagay ng kanyang pamahalaan na hindi dapat boykatin ang Olympic Games. Sinabi naman kamakailan sa Paris ni Jean Francois Lamour, manbabatas at dating ministro ng kabataan at palakasan ng Pransya na hindi nalalaman ng nakararaming tao ang Tibet at kung boboykatin ang Olympic Games dahil dito, maling mali ito.
Nagpahayag naman ng pagtutol sa pagboykot sa Beijing Olympic Games ang mga estadista ng Kambodya, Hapon, Belarus, Australya, Kanada, Sweden, New Zealand, Espanya at iba pang bansa.
Salin: Sissi
|