|

Sinabi sa Sichuan ni Premyer Wen Jiabao ng Tsina na hanggang noong alas-2 kahapon ng hapon, 19509 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa lindol sa Sichuan. Bukod dito, mahigit 20 libong tao ay nalilibing ngayon sa guho at nawawala ang maraming iba pa, kaya tinatayang lalampas sa 50 libo ang bilang ng mga nasawi.

Sa kasalukuyan, lumampas sa 120 libo ang bilang ng mga kalahok na kawal at pulis ng Tsina sa relief work. Iniligtas kahapon ang mahigit 10 libong nakulong na tao, nabigyang-lunas ang mahigit 13 libong nasugatan at inilipat ang mahigit 120 libong apektadong mamamayan. Nahawan ang daang patungo sa epicenter ng lindol na Wenchuan at Beichuan.
Hanggang kahapon, mahigit 60 libong nasugatan lahat-lahat ang iniligtas mula sa nilindol na purok. Inilaan ng pamahalaang sentral ng Tsina ang 2.25 bilyong yuan RMB na pondong panaklolo. Nakolekta naman mula sa iba't ibang sirkulo ng lipunan ng Tsina ang mahigit 1.3 bilyong yuan na abuloy.
Ayon sa isa pang ulat, sinang-ayunan na ng Tsina ang pagpapadala ng Hapon, Rusya, Timog Korea at Singapore ng mga propesyonal na tauhang panaklolo sa nilindol na purok bilang tulong sa relief work.
Salin: Ernest
|