Ngayong araw ay ika-6 na araw sapul nang maganap ang napakalakas na lindol sa Wenchuan, Lalawigang Sichuan ng Tsina. Batay sa instruksyon ng mga lider na Tsino, buong sikap pa rin ngayon ang mga tauhang panaklolo sa pagliligtas ng mga taong nakukulong sa guho.
Ayon sa estadistika noong alas-2 ngayong hapon, umabot na sa 28881 ang bilang ng mga namatay sa lindol.
Sa kasalukuyan, mahigit 110 libong sundalo at pulis na Tsino ang nagsasagawa ng gawaing panaklolo sa nilindol na purok at lumalahok naman sa gawaing ito ang mga rescue team mula sa Hong Kong at Taiwan at ibang bansa na gaya ng Hapon, Rusya, Timog Korea at Singapore.
Nitong mahigit isang araw na nakalipas, iniligtas ang mahigit 160 taong nakulong sa guho. Hanggang sa kasalukuyan, walang naiulat na epidemiya sa mga apektadong lugar ng lindol.
Ayon pa rin sa estadistika ng Ministri sa Suliraning Sibil ng Tsina, hanggang noong alas-4 kahapon ng hapon, umabot sa halos 3.2 bilyong yuan RMB ang halaga ng mga ini-abuloy na pondo at materyal mula sa loob at labas ng Tsina na kinabibilangan ng 580 milyong yuan na abuloy mula sa 19 na bansang dayuhan at 4 na organong pandaigdig.
Pinarating naman sa nilindol na purok ang mga tulong na materyal na ipinagkaloob ng Pilipinas, Singapore, Rusya, Pakistan, Espanya, Pransya at iba pa.
Salin: Liu Kai
|