|
Sa iba't ibang porma, sunud-sunod na nagpahayag kahapon ang komunidad ng daigdig, kasama ng mga mamamayang Tsino, ng kani-kanilang pakikidalamhati sa mga biktima sa napakalakas na lindol sa Wenchuan County ng Lalawigang Sichuan ng Tsina.
Pumunta kahapon sa himpilan ng pirmihang delegasyong Tsino sa UN si pangkalahatang kalihim Ban Ki-Moon ng UN para magpahayag ng pakikiramay sa mga biktima.
Ipinahayag ni Sergei Ordzhonikidze, pangalawang pangkalahatang kalihim ng UN, ang pag-asang mapagtatagumpayan ng mga mamamayang Tsino ang kalamidad na ito sa lalong madaling panahon.
Pumunta naman nang araw ring iyon sa himpilan ng pirmihang delegasyong Tsino sa World Trade Organization (WTO) sa Geneva si direktor heneral Pascal Lamy ng WTO para magpahayag ng kanyang pakikidalamhati sa mga biktima.
Sa seremonya ng pagbubukas ng ika-61 pandaigdigang pulong ng kalusugan kahapon sa Geneva, tahimik na nagluksa nang isang minuto ang mga kinatawan ng 193 kasaping bansa ng WHO sa mga biktima sa lindol sa Tsina at sa mga biktima sa bagyo sa Myanmar.
Noong alas-14:28 kahapon, nagsirena ang air alert ng Hilagang Korea bilang pakikidalamhati sa mga nasawi sa lindol.
Pumunta naman kahapon sa mga embahada ng Tsina sa lokalidad ang mga mataas na opisyal ng Biyetnam, Timog Korea, Bangladesh, Kazakhstan, Uganda, Pransya, Italya at iba pang bansa upang magpahayag ng pakikiramay at pangungumusta sa mga apektadong mamamayan ng Tsina.
Sunud-sunod na pumunta nang araw ring iyon sa mga organong Tsino sa ibayong dagat ang mga mapagkaibigang personahe at mga diplomata ng iba't ibang bansa upang magpahayag ng pakikiramay sa mga biktima.
Salin: Vera
|