|
Binigyang-diin kahapon sa Beijing ni Li Xueju, Ministro ng Suliraning Sibil ng Tsina, na sa kasalukuyan, dapat ipauna ng mga sangay ng kanyang ministri ang pagsasaayos ng pamumuhay ng mga nabiktima ng napakalakas na lindol sa Sichuan at ang pagpapanumbalik ng kaayusan ng mga nasalantang lugar sa lalong madaling panahon.

Winika ito ni Li sa isang pambansang video meeting hinggil sa pagbibigay-tulong sa mga nilindol na purok na nilahukan ng mga namamahalang panig sa suliraning sibil. Sinabi ni Li na dapat isaayos ng mga may kinauukulang panig ang pamamahagi ng mga pagkain, sustento at iba pang mga gamit-pang-araw-araw sa mga apektadong mamamyan para malutas ang kanilang kahirapan.

Hanggang alas-dose kahapon, 41,353 katao ang nasawi sa napakatinding lindol sa Sichuan, 274,683 ang nasugatan at 32,666 iba pa ang nawawala.
Salin: Ernest
|