Sa kanyang pakikipagtagpo ngayong araw sa Beijing kay Nong Duc Manh, dumadalaw na pangkalahatang kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam o CPV, ipinahayag ni Wu Bangguo, pirmihang kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina at tagapangulo ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, na nakahanda ang panig Tsino na ibayo pang palakasin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa partido, pamahalaan at mga mamamayan ng Biyetnam para walang humpay na mapasulong ang estratehikong parternship na pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Sinabi ni Wu na ang pagpapahalaga sa tradisyonal na pagkakaibigan, pagpapaunlad ng hene-henerasyong pagkakaibigan at pagpapasulong ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan at komong pag-unlad ay angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan at makakabuti sa kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng rehiyon at daigdig.
Sinabi naman ni Nong na ang tradisyonal na relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng Biyetnam at Tsina ay umunlad na sa isang bagong antas. Anya, ang kanyang pagdalaw na ito ay naglalayong ibayo pang palalimin ang pagkakaunawaan ng dalawang bansa, pahigpitin ang pagkatig sa isa't isa at magkasamang hanapin ang pagtutulungan at kaunlaran.
Salin: Liu Kai
|