Nag-usap kagabi sa telepono sina pangulong Hu Jintao ng Tsina at Haring Abdullah Bin Abdul-Aziz ng Saudi Arabia.
Ipinahayag ni Hu na pagkaraang maganap ang napakalakas na lindol sa Lalawigang Sichuan ng Tsina, agarang ipinahayag ni Haring Abdullah ang pakikiramay sa panig Tsino at ipinagkaloob ang mga tulong na pondo at materyal sa nilindol na purok. Sa ngalan ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino, ipinahayag ni Hu ang taos-pusong pasasalamat kay Abdullah at sa pamahalaan at mga mamamayan ng Saudi Arabia.
Sinabi naman ni Abdullah na ipinagkaloob ng Saudi Arabia ang pagkatig at pagtulong sa nilindol na purok ng Tsina dahil sa matibay na pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Umaasa siyang mapagtatagumpay sa lalong madaling panahon ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino ang kalamidad at maitatayo ang magandang lupang-tinubuan.
Sa pag-uusap, nagpalitan din ng palagay sina Hu at Abdullah hinggil sa relasyon ng dalawang bansa at ipinahayag nila ang kahandaang palakasin ang pagtutulungan at pagpapalagayan para mapasulong sa mas mataas na antas ang estratehikong relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai
|