Ipinahayag dito sa Beijing ngayong araw ni Li Yizhong, ministro ng industrya at pagsasaimpormasyon ng Tsina, na sa kasalukuyang pandaigdig na krisis na pinansyal, naapektuhan nang pinakagrabe ang mga katamtaman at maliliit na bahay-kalakal at isinasagawa ng Tsina ang iba't ibang hakbangin para tulungan silang malutas ang mga isyung gaya ng kahirapan sa pangingilak ng pondo.
Sa preskon ng taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC nang araw ring iyon, sinabi ni Ginoong Li na inilaan na ng pinansyang sentral ang 1 bilyong yuan RMB na pondo para mapabilis ang pagtatatag ng organo ng garantiya sa mga katamtaman at maliliit na bahay-kalakal. Kasabay nito'y itinatag na ng iba't ibang pamahalaan sa antas ng lalawigan ang organo ng muling garantiya para ibayo pang dagdagan ang kota ng pautang ng ganitong mga bahay-kalakal. Bukod dito, pinapalawak ang ibang paraan ng pangingilak ng pondo para kumatig sa direktang pangingilak ng pondo ng mga bahay-kalakal na may kondisyon.
Salin: Vera
|