Tsina, patuloy na makikipagtulungan sa WHO kaugnay ng paghahanap sa pinanggalingan ng COVID-19

2021-03-11 17:32:30  CMG
Share with:

Nakahanda ang Tsina na patuloy na makipagtulungan sa World Health Organization (WHO) para magkasamang pasulungin ang mga gawaing may kinalaman sa pagsusuri sa pinanggalingan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Ito ang winika ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa preskon ngayong hapon, makaraang ipinid ang taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng bansa.

 

Saad ni Li, ang pandemiya ng COVID-19 ay pandaigdigang pangkagipitang pangyayaring pangkalusugan.

 

Tulad ng lahat, umaasa ang Tsina na malalaman ang pinanggalingan ng virus sa lalong madaling panahon para maputol ang pagkalat ng salot at mabisang matugunan ang pandemiya.

 

Diin ng premyer Tsino, masalimuot at siyentipiko ang pagsusuri sa pinagmulan ng virus, kaya, kailangang magkapit-bisig at magkaisa ang lahat ng mga bansa.

 

Pananatilihin ng Tsina ang pakikipag-ugnayan at suporta sa WHO, at laging bukas ang bansa sa mga dalubhasa ng organisasyon sa kanilang pagsiyasat, dagdag pa ni Li.

 

Ani Premyer Li, sa kasalukuyan, bukod sa pag-aaral hinggil sa pinagmulan ng virus, magkasinghalaga ang pagpigil at pagkontrol, at pagbabakuna.

 

Naniniwala kaming kayang-kaya ng sangkatauhan na sugpuin ang pandemiya, saad niya.

 

Salin: Jade

Pulido: Rhio

Please select the login method