Tsina at Saudi Arabia, sumang-ayon sa pagpapanumbalik ng talastasan sa JCPOA

2021-10-18 17:10:16  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono sa kanyang Saudi Arabian counterpart na si Faisal bin Farhan Al Saud nitong Linggo, Oktubre 17, 2021, inihayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na nitong nakalipas na ilang taon, tuluy-tuloy na umuunlad ang relasyong Sino-Saudi Arabian, at ang relasyong ito ay laging priyoridad ng diplomasya ng Tsina sa Gitnang Silangan.
 

Saad ni Wang, buong tatag na kakatigan ng Tsina, tulad ng dati, ang pangangalaga ng Saudi Arabia sa soberanya, seguridad, at katatagan ng bansa, at tututulan ang anumang aksyon ng pakikialam sa mga suliraning panloob ng Saudi Arabia.
 

Nakahanda aniya ang panig Tsino na palalimin ang sinerhiya ng Belt and Road Initiative at Vision 2030 ng Saudi Arabia, at pasulungin ang pagkakaroon ng mas maraming bunga ng kooperasyon ng kapuwa panig sa iba’t ibang larangan.
 

Tinukoy ni Wang na nauunawaan at kinakatigan ng panig Tsino ang lehitimong pagkabahala ng Saudi Arabia sa pangangalaga sa pambansang seguridad.
 

Aniya, ang Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA) sa isyung nuklear ng Iran ay mahalagang bunga ng multilateralismo, at patuloy na patitingkarin ng Tsina ang konstruktibong papel para mapasulong ang pagpapanumbalik nito.
 

Inihayag naman ni Faisal ang pagtutol sa anumang aksyon ng pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina.
 

Inaasahan aniya ng panig Saudi Arabian na ang kauna-unahang China-Arab Summit na gaganapin sa susunod na taon ay magsisilbing mahalagang milestone sa relasyong Arabe-Sino.
 

Salin: Vera
 

Pulido: Rhio

Please select the login method