Mga ministro ng tanggulan ng Tsina at Amerika, nag-usap sa telepono

2022-04-23 17:15:50  CMG
Share with:

Nag-usap sa telepono nitong Abril 20, 2022, sina Wei Fenghe, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, at Lloyd Austin, Kalihim ng Depensa ng Amerika, batay sa kahilingan ng panig Amerikano.

 

Ayon sa pahayag ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, nagpalitan ng palagay ang dalawang opisyal tungkol sa bilateral na relasyon, isyu ng Taiwan, mga isyung may kinalaman sa seguridad sa dagat at himpapawid, at kalagayan sa Ukraine.

 

Sinabi ni Wei, na dapat buong taimtim na ipatupad ng kapwa Tsina at Amerika ang mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, para sa paggalang sa isa’t isa, mapayapang pakikipamuhayan, at pag-iwas s komprontasyon.

 

Binigyang-diin din niyang, ang Taiwan ay di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina, at ito ay katotohanan at kasalukuyang kalagayan na hindi puwedeng baguhin ninuman. Buong tatag aniyang pangangalagaan ng mga hukbo ng Tsina ang soberanya at kabuuan sa teritoryo ng bansa.

 

Ipinahayag naman ni Austin, na nakahanda ang panig Amerikano na ipatupad ang mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, at isagawa ang militar na pakikipagpalagayan at pakikipagtulungan sa Tsina batay sa tapat at bukas na atityud.

 

Tiniyak din niya ang paggigiit ng Amerika sa patakarang Isang Tsina.


Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos