Pahayag ni Blinken kaugnay ng Tsina, pagbubulag-bulagan sa katotohanan at pagbaligtad sa tama’t mali— tagapagsalita ng Tsina

2022-07-07 14:28:54  CMG
Share with:

Ipinahayag kamakailan ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) Public Forum, na sa kabila ng pagtatangka ng Tsina na sirain ang kaayusang pandaigdig na nakabatay sa mga alituntunin, hindi nais ng Amerika na magkaroon ng gulo, sa halip, ay nagsisipag ito upang pangalagaan ang nabanggit na kaayusang pandaigdig.

 

Hinggil dito, tinukoy Miyerkules, Hulyo 6, 2022 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang nasabing pahayag ay pagbubulag-bulagan sa katotohanan, pagbaligtad sa tama at mali, at nagpapakita ng estilo ng Cold War at ideolohikal na pagkiling.

 

Matindi aniyang tinututulan ng panig Tsino ang pahayag ni Blinken.

 

Dagdag ni Zhao, ang umano’y “kaayusang pandaigdig na nakabatay sa mga alituntunin” ng Amerika ay naka-ayon lamang sa mga alituntuning itinakda ng iilang bansa, at pabor sa hegemonismo at personal na kapakanan ng Amerika.

 

Payo niya sa NATO, itakwil ang pananampalataya sa dahas, at itigil ang tangkang panggugulo sa Asya-Pasipiko.

 

Dagdag pa ni Zhao, dapat iwasto ng Amerika ang maling pag-unawa sa Tsina, itakwil ang sagupaan at komprontasyon, at tahakin ang tamang landas ng paggagalangan, mapayapang pakikipamuhayan, kooperasyon, at win-win na situwasyon.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio