Tsina, nanawagan para sa tunay na multilateralism sa pulong ng G20

2022-07-09 17:58:47  CMG
Share with:

Sa kanyang pagdalo sa Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Group of 20 (G20) kahapon, Hulyo 8, 2022, sa Bali, Indonesya, nanawagan sa mga kasapi ng G20 si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na isagawa ang tunay na multilateralismo at pakitunguhan ang isa’t isa bilang katuwang.

 

Tinukoy ni Wang, na ang mga suliraning pandaigdig ay dapat hawakan sa pamamagitan ng magkakasamang pagsasanggunian ng lahat ng mga bansa, at ang mga tuntuning pandaigdig ay dapat magkakasamang itakda at sundin ng lahat ng mga bansa.

 

Hinimok niya ang mga bansa na pahalagahan at pangalagaan ang seguridad ng ibang bansa. Ito aniya ay siyang tanging paraan para isakatuparaan ang seguridad ng bansa mismo.

 

Dagdag ni Wang, dapat isagawa ang kompetisyon sa pamamagitan ng patas na paraan, sa halip na sa malisyosong paraan. Lalung-lalo na aniya, ang kompetisyon ay hindi dapat maging komprontasyon.

 

Nanawagan din siya para sa magkakasamang pagsisikap ng mga kasapi ng G20, upang palakasin ang koordinasyon sa mga patakaran sa makro-ekonomiya, at pasulungin ang inklusibong pagbangon at paglaki ng pandaigdigang kabuhayan.

 

Kaugnay naman ng kalagayan ng Ukraine, sinabi ni Wang, na patuloy na pasusulungin ng Tsina ang talastasang pangkapayapaan. Umaasa aniya ang Tsina, na isasakatuparan sa lalong madaling panahon ang tigil-putukan, at ibubuhos ng iba’t ibang panig ang pagsisikap para maiwasang palawigin at pasidhiin ang sagupaan.

 

Sa nabanggit na pulong, sinabi naman ni Retno Marsudi, Ministrong Panlabas ng Indonesya, kasalukuyang tagapangulong bansa ng G20, na ang pangangalaga sa multilateralismo at pagsasagawa ng epektibong kooperasyon ay siyang tanging paraan para harapin ang mga pandaigdigang hamon.

 

Binigyang-diin naman ni Pangkalahatang Kalihim Antonio Guterres ng United Nations ang kahalagahan ng pagtataguyod sa multilateralismo, at pagpapasulong sa pagiging interkonektado, bukas, at inklusibo.


Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos