CMG Komentaryo: Kalakalang panlabas ng Tsina, “umaagos na tubig” na nagpapasigla sa kabuhayang pandaigdig

2022-09-09 15:34:39  CMG
Share with:

Ayon sa datos na inilabas nitong Miyerkules, Setyembre 7, 2022 ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, noong unang 8 buwan ng 2022, umabot sa 27.3 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina, at ito ay lumaki ng 10.1% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.

 

Kabilang dito, lumago ng 14.2% ang pagluluwas, samantalang tumaas ng 5.2% ang pag-aangkat.

 

Sa kalagayan ng bumabagal na paglago ng kabuhayang pandaigdig at paghina ng pangangailangang panlabas, mahirap makamit ang ganitong matatag na paglaki ng kalakalang panlabas ng Tsina.

 

Bilang pangunahing puwersa ng kalakalang panlabas ng bansa, kapansin-pansin ang natamong bunga ng mga pribadong kompanya.

 

Noong unang 8 buwan ng taong ito, 13.68 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng mga pribadong bahay-kalakal, at ito ay lumaki ng 14.9% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon. Ang bahagdan ng paglaki nito ay 4.8% mas mataas kaysa kabuuang bahagdan ng buong bansa.

 

Bukod dito, ang pagiging dibersipikado ng alokasyon ng merkado ay pinagmulan din ng kasiglahan ng kalakalang panlabas ng Tsina.

 


Noong unang 8 buwan ng taong ito, magkakahiwalay na lumago ng 14%, 9.5%, at 10.1% ang pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Unyong Europeo (EU) at Amerika, mga pangunahing trade partner ng bansa.

 

Samantala, lumago ng 20.2% ang kalakalan sa mga bansa sa kahabaan ng Belt and Road, at tumaas ng 7.5% ang kalakalan sa ibang 14 na kasapi ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

 

Sa kabila ng masalimuot at pabagu-bagong kapaligirang panlabas, hindi nagbabago ang pangmalayuang batayan ng pagganda ng kabuhayang Tsino, at nananatiling malinaw pa rin ang bentahe ng industrial chain at supply chain.

 

Sa mula’t mula pa’y ang kalakalang panlabas ng Tsina na may malakas na kakayahang bumangon ay tila “umaagos na tubig” na nagpapasigla ng kabuhayang pandaigdig.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Mac