Rusya, nais pa ring magsanggunian hinggil sa isyu ng Ukraine

2022-10-31 15:41:36  CMG
Share with:

Inihayag Linggo, Oktubre 30, 2022 ni Ministrong Panlabas Sergei Lavrov ng Rusya na handa pa rin ang mga lider ng Rusya na kinabibilangan ni Pangulong Vladimir Putin sa pagsasanggunian hinggil sa isyu ng Ukraine.

 

Pero, idinagdag niyang ang mga mungkahi ay dapat maging realistiko batay sa simulain ng pagkakapantay-pantay at paggagalangan sa kapakanan ng isa’t isa, at naglalayong humanap ng kompromiso at pagbalanse ng kapakanan ng lahat ng mga bansa sa rehiyon.

 


Sa kabilang banda, sinabi nang araw ring iyon sa social media ni Oleksandr Kubrakov, Ministro ng Imprastruktura ng Ukraine, na dahil sa pagtalikod ng panig Ruso sa Black Sea grain shipment agreement at muling pagblokeyo sa puwerto ng Black Sea, hindi maka-alis sa puwerto ng Ukraine papuntang Ethiopia ang isang freighter na may lulang 40,000 toneladang pagkaing-butil, ayon sa nakatakdang plano.

 

Bukod pa riyan, pinabulaanan Sabado ng Ministri ng Depensa ng Britanya ang sinabi ng panig Ruso hinggil sa pagbibigay-patnubay di-umano ng hukbong pandagat ng Britanya sa pananalakay ng Ukraine sa Black Sea Fleet ng Rusya, at pagsali ng tropang Britaniko sa pagsira sa Nord Stream gas pipelines.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio