Pelikulang Pilipino na Rizal’s Pen, isinahimpapawid sa PKU

2022-11-09 15:48:56  CMG
Share with:

 

Isang pelikulang Pilipino na pinamagatang Rizal’s Pen ang ipinalabas kamakailan sa Peking University (PKU), isa sa pinakasikat na pamantasan ng Tsina, para ipaalam sa mga estudyanteng Tsino ang pagkaunawa ng mga kabataang Pilipino sa humanistiko at patriotikong katangian ni Rizal na angkop sa panahon ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).

 

Layon nitong pasulungin ang pagpapalitan ng kultura ng Pilipinas at Tsina at palalimin ang pagkaunawa ng mga kabataang Tsino sa Pilipinas.


 

Dumalo sa aktibidad sina Dinno M. Oblena, Charges d affaires ng Embahada ng Pilipinas sa Tsina; Wang Bo, Bise Prinsipal ng PKU; Li Shujing, Kalihim ng Lupon ng Partido Kumunista ng Tsina (CPC) sa School of Foreign Language (SFL); Wu Jiewei, Pangalawang Dean ng SFL; mga diplomata ng Embahada ng Pilipinas; at guro’t estudyante ng PKU.

 

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Oblena, na umaasa siyang sa pamamagitan ng pelikulang ito, mapapalalim ang pagkaunawa ng mga kabataang Tsino sa impluwensya ni Rizal sa pag-unlad ng Pilipinas.

Pinasalamatan din niya ang PKU sa pagdaraos ng aktibidad.

 

Umaasa rin si Oblena, na patuloy na isasagawa ng pamantasan ang mga ganitong aktibidad sa hinaharap.

 

Ipinahayag naman ni Li, na ang pelikulang ito ay nakakatulong sa pagpapalalim ng pagkaunawa ng mga Tsino sa Pilipinas at sa mahabang panahon, nananatiling mahigpit ang kooperasyon at pagpapalitan ng PKU at Embahadang Pilipino sa Tsina.

 

Sinabi pa niyang ang PKU ay may kurso na “Philippine Studies” at ang mga guro’t estudyante ng Philippine Studies ay gumaganap din ng positibong papel sa pagpapasulong ng pagpapalitang tao sa tao, at kultural ng Tsina at Pilipinas.

 

Umaasa rin aniya siyang mapapanatili ang pagpapalitang pangkultura sa pagitan ng PKU at Embahadang Pilipino sa hinaharap.

 

Pagkatapos maipalabas ang pelikula, bumisita si Oblena at mga diplomatang Pilipino sa aklatan ng SFL at nagkaloob ng mga aklat.

 

Ang aktibidad na ito ay magkasamang itinaguyod ng Embahadang Pilipino sa Tsina at SFL ng PKU.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio