Ika-40 at Ika-41 ASEAN Summit, binuksan

2022-11-11 11:55:36  CMG
Share with:

Sa ilalim ng temang “Magkasamang Pagharap sa mga Hamon,” binuksan ngayong araw, Nobyembre 11, 2022, sa Phnom Penh, Kambodya, ang Ika-40 at Ika-41 Summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

 

Alinsunod sa patakarang pagbangon mula sa pandemiya, tatalakayin sa summit kung paano mas maigigiit ng ASEAN ang diwa ng kolektibong pagtutulungan; at pagpapasulong sa kapayapaan, kasaganaan at katatagan ng rehiyon.

 

Ito ang kauna-unahang face-to-face meeting ng mga lider ng mga bansang ASEAN, makaraang sumiklab ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Ayon sa petsang inilabas ng tagapagtaguyod, idinaraos ang naturang summit at serye ng mga pulong mula Nobyembre 10 hanggang 13, 2022.

 

Bukod sa mga lider ng ASEAN, dadalo rito ang mga lider o mataas na opisyal ng Tsina, Amerika, India, Australya, Kanada, Unyong Europeo at iba pa.

 

Gaganapin din ang ibang mga pulong na kinabibilangan ng Ika-25 Summit ng Tsina at ASEAN (10+1), Ika-25 Summit ng ASEAN, Tsina, Hapon at Timog Korea (10+3), at Ika-17 Summit ng Silangang Asya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio